JEEP, TRUCK NAGSALPUKAN: 2 LALAKI PATAY, 25 SUGATAN

ILOILO- DALAWANG LALAKI ang nasawi habang may 25 iba pa ang malubhang nasu­gatan kung saan dalawa ang kritikal matapos ang naganap na salpukan sa pagitan ng isang 10-wheeler truck at jeep sa Brgy. San Vicente, Leganes sa lalawigang ito.

Sa ulat ng Iloilo-PNP namatay sa sakuna sina Limuel Magbanua, 36-anyos at Rene Consular, 45-anyos na kapwa nakatira sa Brgy. Tamu-an, Janiuay, Iloilo na sakay ng jeep.

Habang kasalukuyang inoobserbahan pa rin sa pagamutan sina Carren Cava-is at Ricca Parpa na sinasabing kapwa nasa kritikal na kondisyon.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ng Leganes Municipal Police Station, tinatahak ng pampasaherong jeep ang direksiyon papuntang bayan ng Leganes, Ilo­ilo kung saan sakay ang magkakapamilya na magsisimba umano at pagkatapos ay maliligo sa dagat.

Sinasabing habang patawid sa crossing sa national road ang jeep ay bigla itong sinalpok ten wheeler truck.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang mga sakay ng jeep at nahulog ang pa ang sasakyan sa bukirin.

Nagawa namang makaresponde agad ng rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Leganes, BFP Leganes at Leganes PNP sa lugar.

Mabilis na isinugod sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival sina Magbanua at Consular matapos magtamo ng malubhang sugat sa ulo at iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Habang patuloy pa na ginagamot sa ospital ang dalawang kritikal at 23 na mga sugatan.

Base sa pagsisiyasat, lubhang mabilis umano ang takbo ng truck dahil sa nakikipag-karerahan ito sa isa pang truck.

Nasa kustodiya na ng Leganes PNP ang driver ng truck at hinihintay pa ang magi­ging desisyon ng mga pamilya ng mga biktima kung magsasampa sila ng kaso laban. VERLIN RUIZ