POSIBLENG payagan nang muling makabiyahe ang mga pampasaherong jeep at UV Express bago pa magtapos ang unang phase ng pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila sa Hunyo 21.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary Mark De Leon, ito ay sakaling hindi maging sapat ang bilang ng public utility vehicles (PUV) na magbibigay serbisyo sa mga commuter sa phase 1 ng pagbabalik ng public transportation simula sa Hunyo 1.
Ani De Leon, itinuturing na high-risk sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga lumang jeep at UV Express dahil sa kawalan ng automatic fare collection system (AFCS).
Gayunman, titingnan, aniya, nila ang posibilidad ng panunumbalik ng operasyon ng mga ito sakaling hindi umubra ang mga pampublikong bus at modern jeepney sa dami ng mga pasaherong bibigyan ng serbisyo.
Una nang inanunsiyo ng DOTR ang paghati sa dalawang phase o bahagi para sa pagbabalik ng public transportation sa Metro Manila kasabay ng pag-iral ng general community quarantine (GCQ).
Sa ilalim ng phase 1 mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 21, tanging mga tren at bus augmentation nito, taxi, TNVS tulad ng Grab, shuttle service, point to point (P2P) bus, bisikleta, at tricyle ang papayagang magbalik operasyon para sa limitadong kapasidad.
Habang sa phase 2 mula Hunyo 22 hanggang Hunyo 30 ay maaari nang bumiyahe sa limitadong kapasidad din ang mga pampasaherong bus, modern jeep, at UV Express. DWIZ 882
Comments are closed.