CALOOCAN CITY – HINDI na nagawa pang maisalba ng mga manggagamot ang buhay ng isang 58-anyos na jeepney driver na dumaranas umano ng matinding depresyon matapos tumalon sa gusali ng hospital kung saan ito naka-confine, kahapon ng umaga.
Sa report ng pulisya ang biktima na nakilalang si Elias Irenea ng Phase 3B Block 10 Lot 6 San Jose Del Monte Heights, Brgy. Muzon, San Jose Del Monte City, Bulacan habang ginagamot sa emergency room ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan.
Nabatid sa report na ipinadala sa tanggapan ng bagong upong hepe ng Caloocan police na si P/Col. Noel Flores, abala ang nurse na si Genien Unabia, 39, sa pag-aalaga ng kanyang pasyente dakong alas-7:30 ng umaga sa surgery department ng Building C ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital Surgery Department, nakita niya ang biktima na nakahiga sa kanyang kama sa gilid ng bintana saka tinanggal nito ang kanyang dextrose at mabilis na tumalon sa bintana.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng hospital at nurses at mabilis na dinala ang biktima sa emergency room subalit, binawian din ito ng buhay bandang alas-9:10 ng umaga sanhi ng pinsala sa ulo at katawan.
Batay sa pahayag sa pulisya ng anak ng biktima na si John Michael Arnedo Irenea, na-confine ang kanyang ama sa naturang pagamutan dahil sa mga natamong pinsala sa kanyang sarili at dumaranas din aniya ito ng matinding depresyon. EVELYN GARCIA