JEEPNEY DRIVERS NABABAHALA SA KITA SA BIGTIME OIL PRICE HIKE

JEEPNEY DRIVER-1

HINDI na mapipigil ang bigtime oil price hike na ipatutupad ngayon at posibleng sumabay rito ang isa pang taas-presyo dahil naman sa ikalawang bugso ng excise tax bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.

Dahil dito ay nababahala ang  mga  jeepney driver na namamasada dahil tiyak mababawasan ang kanilang kita.

Ayon sa mga driver, pinakamatindi   ang nangyaring pagtataas ng presyo ng petrolyo noong nakaraang taon, na ngayon ay muling umarangkada  sa hanggang P2.30 na pagtaas sa kada litro ng krudo.

Ang dating P500 na pang-araw-araw na budget  ng  pamilya ng isang driver  na pambili ng pangunahing panga-ngailangan ay  na­ging P700.

Nababahala ang mga driver  dahil pagputok ng araw ng Martes ay  tataas na naman ang  presyo ng petrolyo sa mga gasolinahan.

Iniulat na simula hatinggabi ng Martes ay may dagdag-presyo sa langis:

Diesel—P2.20-P2.30 kada litro; gasolina — P1.40-P1.50 kada litro; kerosene —P1.80-P1.90 kada litro.

Magiging dagdag-pasanin pa ang ikalawang bugso ng fuel excise tax sa ilalim ng TRAIN na posible ring ipatupad na ngayong araw.

MGA MANGGAGAWA NABABAHALA RIN

Nababahala rin ang grupo ng mga manggagawa sa sunod-sunod at malakihang dagdag sa presyo ng petrolyo.

Sinabi ni Ed Cubelo, chairman ng Kilusang Mayo Uno-Metro Manila  na ang dagdag sa presyo ng produktong petrolyo  ay nangangahulugang dagdag presyo ng mga bilihin, na papasanin ng mga mahihirap.

Mapipilitan umanong  mas maghigpit ng sinturon ang mamamayan dahil sa patuloy na pagtataas  ng presyo.

Ayon naman sa grupong Bayan Muna, posibleng sumipa muli ang inflation dahil sa panibagong pagpataw ng excise tax sa presyo ng langis.

“With the implementation of the second tranche of excise tax increases because of the TRAIN law, consumers should prepare for more and higher price shocks this year,” ayon kay Ba­yan Muna partylist Rep. Carlos Zarate.

Giit naman ng Palasyo, kasado ano mang oras ang kanilang financial assistance sa mga mahihirap na komunidad.       AIMEE ANOC

Comments are closed.