JEEPNEY DRIVERS SA BICOL, TUTOL SA ‘FIXED SALARY SYSTEM’

TINUTULAN ng ilang drivers ng jeep sa lalawigan ng Albay sa Bicol ang fixed salary system na ipinatupad ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization and consolidation.

Sa panayam ng media sa Albay kay Ronel Nebres, presidente ng ‘Basta Driver, Safety Enforcer, sinabi nito na sa ilalim ng modernisasyon ay magkakaroon na ng quota sa magiging koleksyon sa pamamasada na siyang tinututulan ng mga tsuper.

Batay aniya sa kanilang nalalaman sa Omnibus Franchise Guidelines, magiging 8 oras na lang ang kanilang biyahe sa ilalim ng kooperatiba at posibleng 500 piso lamang sa isang araw ang kanilang makukuha sa loob ng kalahating buwan.

Dagdag pa nito, may kabigatan umano ito lalo na sa mga driver na may maraming anak dahil ito ay mas mababa kung ikukumpara sa nakukuha nila ngayong may boundary system pa.

Samantala, una ng sinabi ni LTFRB Bicol Regional Director Joel Defeo na sa ilalim ng consolidation, ang mga jeepney drivers ay magiging regular employee na dahil magkakaroon na rin sila ng social benefits tulad ng SSS at PhilHealth.

Gayunman, ipinaliwanag ni Nebres na dati ng inoobliga ng LTFRB ang mga operator na hulugan ang contribution ng kanilang mga driver sa SSS at Philhealth. RUBEN FUENTES