HETO na naman tayo. Tuwing sasapit ang takdang panahon o deadline sa mga bagay na kailangang ipatupad, doon lamang gagalaw ang mga ibang grupo na hihiling ng extension o dagdag-palugit na panahon. Samu’t sari ang mga dahilan kung bakit kailangan pa na iurong ang petsa ng nasabing deadline.
Hindi na ako magpapatumpik-tumpik. Ang tinutukoy ko ay ang programa ng pamahalaan sa pag-phase out ng mga nabubulok at pinaglumaan na jeepney sa ating bansa.
Ayon kasi sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Circular Memorandum No. 2023-013, ang deadline ng phaseout ng mga traditional jeepney ay ipatutupad sa ika-30 ng Hunyo ngayong taon.
Dahil dito, ang transportation group Manibela ay nagbigay ng babala sa LTFRB na magsasagawa sila ng isang week-long strike na magsisimula sa ika-6 ng Marso. Ayon sa Manibela, ito ay “pagsiil sa aming karapatan sa aming buhay, ang ipapantapat po namin dito, sa taning na ibinigay sa amin, sa taning na makapaghanapbuhay, isang linggong tigil-pasada”.
“Sa March 6 magsisimula ito kung hindi ito babawiin ng LTFRB, isang linggong tigil-pasada po nationwide lalong-lalo na po dito sa NCR,” ang dagdag banta pa ng Manibela.
Huwaw. Nanakot pa!!!
Sa totoo lang, hindi dapat bumigay ang LTFRB sa mga ganitong banta. Ang layunin ng modernisasyon ng mga pampublikong sasakayan ay para sa kapakanan ng nakararami at hindi lamang sa piling grupo.
Kung titingnan natin, ang mga ibang pampublikong transportasyon tulad ng bus at taxi ay tumalima na sa programa ng gobyerno sa modernisasyon ng kanilang mga sasakyan. Hindi naman puwede na ‘exempted’ dito ang mga pinaglumaan na jeepney.
Aba’y, may hamon pa ang Manibela na dapat ay bigyan pa sila ng karagdagang limang taon na extension ng prangkisa ng mga lumang jeepney. Hoy, Manibela, ano kayo sinuswerte?
Matagal na itong plano ng modernisasyon ng mga pampublikong sasakayan. Naka ilang administrasyon na ang planong ayusin ang mga luma at bulok na jeepney. Nagtagumpay kayo na hindi ipinatupad ito noong panahon nina Pangulong PNoy at Duterte. Walang forever. Tumalima kayo para sa kabutihan ng nakararami.
Subalit tila bumigay muli ang LTFRB at pumayag na magkaroon muli ng extension ang pag-phase out ng mga luma at nagbubuga ng maitim na usok na jeepney. Parang hindi nila iniisip ang perwisyo na ginagawa nila sa ating kalikasan. Dumadagdag sa polusyon ng ating hangin ang mga lumang makina ng mga ito!
Ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay sinimulan ng DoTr noong 2017. Pero natatandaan ko na nagkaroon na ng pag-aaral sa planong ito noong panahon ni Pangulong PNoy. Ang pakay ng PUVMP ay upang mapalitan ang mga pampublikong sasakyan. Ito ay para mas maging efficient at environment-friendly ang lahat ng uri ng pampublikong transportasyon. Sa kasalukuyan, mahigit 220,000 ang mga jeepney na pumapasada sa ating bansa. Hindi pa kasali dito ang mga kolorum ha? Haay.
Ang mga rason ng mga jeepney operators ay nalulugi raw sila. Halos ang kinikita nila ay sakto lang sa pang- araw-araw na pangangailangan nila sa buhay. Kung ganito ang kanilang paliwanag, aba’y hindi pala magandang negosyo ang pagpapatakbo ng jeepney? Dapat ay maghahanap sila ng ibang negosyo na mas kikita sila. Eh bakit nandiyan pa rin sila sa ganitong hanapbuhay?
Sang-ayon ako na huwag maalis ang mga jeepney. Ito ay isang tourist attraction para sa mga banyaga. Ang kailangan lang ay magkaroon ng modernisasyon. Kung hindi nila kayang bumili ng mga makabagong sasakyan dahil sa taas ng halaga nito, maaaring palitan ang mga bulok na makina at ikumpuni lumang parte nito upang maging ligtas at maginhawa sa mga mananakay. Ito dapat ang kanilang ilaban sa LTFRB imbes na hamunin ang LTFRB na magwewelga sila sa isang isyu na hindi katanggap-tanggap para sa nakararami.