NASA 23,000 public utility vehicle (PUV) drivers at operators ang nakatanggap na ng fuel subsidy mula sa pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinimulan ng Landbank noong Miyerkoles ang pagproseso sa subsidiya base sa listahan ng mga benepisyaryo na isinumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB technical division chief Joel Bolano, ang jeepney at taxi drivers ay kabilang sa mga unang tumanggap ng subsidiya.
“Itong public utility vehicle beneficiaries natin…sigurado na ito talaga ang mga beneficiary dahil dumaan din ito sa validation at cleansing ng ating mga database,” sabi ni Bolano.
Ayon sa LTFRB, may kabuuang 1.36 million transportation workers— kabilang ang operators ng jeepneys, UV Express, buses, minibuses, taxis, transportation network vehicle services, shuttle services, tourist transport services, school shuttle services, tricycle drivers, at delivery service riders— ang mabibiyayaan ng programa na pinaglaanan ng P3 billion budget sa gitna ng tumataas na presyo ng petrolyo.
Nitong Martes, Setyembre 12, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.20, diesel ng P0.40, at kerosene ng P0.20.
Ito na ang ika-9 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-10 na sunod para sa diesel at kerosene.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Setyembre 5, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P15.30 kada litro, diesel ng P10.70 at kerosene ng P7.74 kada litro.
Pinaalalahanan naman ni Bolano ang mga benepisyaryo na ang subsidiya ay dapat na gamitin lamang sa pagbili ng gasolina.
“Doon naman sa ating mga tsuper sakaling naka-experience kayo na hindi ginamit ng mga operator [ang subsidy para sa gasolina] ay ‘wag kayong mag-atubiling pumunta sa aming opisina,” aniya.