JEEPNEYS SA BANSA LAGAS NA, MGA TSUPER PURDOY NA SA OIL PRICE HIKE!

IBINABALA  ng mga transport group na posible pang mabawasan ang mga bumibiyaheng public utility jeep, partikular sa Metro Manila dahilan upang lalong malugmok na naman sa kalbaryo ang mga commuter.

Sa gitna ito ng walang preno at hindi maawat na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Kinumpirma ni Liga ng Transportasyon at Operator ng Pilipinas (LTOP) national president Rolando “Ka Lando” Marquez sa DWIZ na maaari pang mahirapan ang sektor ng pampublikong transportasyon sa mga susunod na araw.

Ito, aniya ay kung hindi pa rin makapaglalatag ng long-term solution ang gobyerno kontra price increase sa langis.

Ayon kay Marquez, sa katunayan ay kapansin-pansin na unti-unting nalalagas ang mga pumapasadang jeep sa ilang bahagi ng Makati, Maynila, Taguig, Caloocan at iba pang lugar sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Binigyang-diin ni Ka Lando na hindi naman mapipigilan ang kanilang mga miyembro na tumigil sa pamamasada dahil batid naman niyang kakapiranggot na lamang ang kinikita ng mga ito dala ng napakamahal na krudo.

Kahit aniya may tulong ang gobyerno at tapos na ang termino ni Land Transportation and Franchising Regulatory Board chairman Martin Delgra, hindi pa rin nakatatanggap ng fuel subsidy ang marami sa kanilang kasamahan kaya’t nawawalang ganang bumiyahe.

Iginiit ni Ka Kando na ang sangkaterbang rekisitos ng LTFRB ang “nagpapahirap” sa maraming tsuper na makatanggap ng ayuda.

Kinatigan naman ni Samahan ng mga Transport Operators ng Pilipinas managing director Juliet de Jesus si Marquez sa matagal na nilang ipinanawagang ikonsidera na ng pamahalaan ang suspensyon ng excise tax sa krudo o tanggalin ang value added tax sa naturang produkto.

Ilan lamang anila ang mga nasabing hakbang upang maibsan kahit paano ang pasakit na dinaranas ng mga tsuper sa bansa, na hinagupit na ng Covid-19 pandemic, sinagasaan pa oil price hike.

Samantala, ipinanawagan ni Ka Lando sa LTFRB na ibalik na ang mga dating ruta ng mga jeep na ibinigay ng ahensiya sa mga bus sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic noong 2020.

Pinaghirapan aniya nila ang mga nasabing ruta noong kumuha sila ng prangkisa kaya’t hindi makatuwirang ibibigay ito sa iba mga bus. DREW NACINO