HINDI maaaring upahan ng mga kompanya ang jeepneys at tricycles para gawing service vehicles ng kanilang mga manggagawa sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine.
Ito ang nilinaw ni Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, head ng Joint Task Force COVID-19 Shield, isang araw bago ibaba sa MECQ ang Metro Manila, Laguna at Cebu City mula sa enhanced community quarantine (ECQ), kung saan papayagan na ang ilang industriya na magbalik-operasyon subalit lilimitahan sa 50% ang kanilang workforce na ‘physically present’.
Dahil ipinagbabawal pa rin ang mass transport sa ilalim ng MECQ, hinihikayat ng pamahalaan ang mga employer na magkaloob ng service vehicles sa kanilang mga empleyado.
“Kapag ginamit po iyan (jeepneys and tricycles) at naningil po, eh colorum na po iyan. Kaya bawal pa rin po. Nakatutok po tayo riyan,” sabi ni Eleazar.
Nababahala rin si Eleazar na kung papayagan ang jeepneys at tricycles na gawing service vehicles ng mga empleyado ay magbukas ito ng pintuan para sa pag-abuso.
“Mahihirapan po tayo sa enforcement, and it will defeat the purpose of us being under MECQ. High risk nga po tayo, maghintay-hintay po muna tayo,” dagdag pa niya.
Comments are closed.