JERUSALEM-SHIGEOKA REMATCH?

WALANG uurungan si newly-crowned WBC mini-flyweight champion Melvin Jerusalem.

Isang title defense sa home, isang reunification match, o return bout kay dating champion Yudai Shigeoka ang kabilang sa maraming opsyon na naghihintay kay  30-year-old Jerusalem, na noong Linggo ay naging isang two-time world title holder kasunod ng split decision win laban kay Shigeoka sa International Conference Hall sa Nagoya, Japan.

Sinamahan ni Sanman Promotions CEO JC Manangquil si Jerusalem sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum at inihayag ang mga posibleng plano para sa nag-iisang world champion ng bansa sa mga darating na buwan.

“A plan is we can do a title fight here, but if we can have a shot at a unification, another option din ‘yun. The bigger fights, the better for Melvin ‘yun,” pahayag ni Manangquil sa session na itinataguyod ng

San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, at ArenaPlus.

Walang rematch clause sa 12-round fight ni Jerusalem kay 26-year-old Shigeoka, subalit ang kampo ng Japanese fighter ay maaaring humirit kung nanaisin nito.

“May option ‘yung promoter ng dating champion if they want a rematch,” sabi ni Manangquil.

Dalawang beses pinabagsak ni Jerusalem si Shigeoka sa  third at  sixth rounds, na naging tuntungan niya upang maiposte ang dikit na decision win.

Subalit kung ang kampeon ang masusunod, nais ni  Jerusalem ng unification bout at makakuha pa ng maraming belts sa 105lbs division.

“Kung bibigyan ako ng chance, gusto ko makakuha pa ng maraming belts, unification talaga. Kasi pangarap ng mga boxer talaga na makuha yung four major belts,” sabi ni Jerusalem hinggil sa kanyang kampanya na maging unified o undisputed champion sa mini-flyweight class.

Ang lahat ng ito ay nakadepende sa mga plano ni Manangquil at ng kanyang Japanese managers Nobuyuki at Mhavic Matsuura.

Subalit sa ngayon ay sinabi ni Manangquil na magkakaroon si Jerusalem ng well-deserved two-week break kasunod ng matinding  training camp na kanyang ginawa bilang paghahanda sa kanyang laban kay Shigeoka sa ilalim ni trainer Michael Domingo. Si Jerusalem ay tutungo sa Cebu ngayong weekend bago tumuloy sa kanyang native province Bukidnon.

CLYDE MARIANO