JESCIEL SALCEDA: PCL PINAKAMALAKING  ‘THINK TANK’ NG PINAS

JESCIEL SALCEDA

PINAKAMALAKING ‘think tank’ o ‘tangke ng matalinong pag-iisip’ ang Philippine Councilors’ League (PCL) na binubuo ng mahigit 17,000 mga konsehal ng lungsod at bayan-bayan sa bansa,

Ayon kay Bicol PCL chairman Jesciel Richard Salceda, dahil bahagi sila ng mga pamahalaang lokal sa buong bansa, ang PCL at mga kasapi nito ay malakas na puwersa at sa mabisang ugnayan nito at ng pamahalaang nasyunal ay malaki ang magagawa sa pagtugon sa mga usaping pang-ekonomiya, kahirapan at iba pang suliranin tungo sa makabuluhang pag-unlad.May kakayahan ang mga konsehal upang tumulong sa pagsulong ng kailangang mga pagbabago sa Saligang Batas at lalong patibayin ang papel ng mga LGU sa kanilang pag-unlad.

Nasa ikatlong termino bilang konsehal ng Polangui, Albay at kinatawan ng lokal na liga nila sa Albay Provincial Board, tumatakbo ngayon si Salceda sa pagka-PCL national chairman sa gaganaping 11th National Congress ng PCL sa Pebrero 26-28 sa SMX MOA sa Pasay City. Siya’a nagtapos sa Yale University, at pamang­kin ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee.

Ayon sa batang Salceda, kung siya’y maging PCL national chair, bahagi ng kanyang adyenda ang pagsulong ng mga amyenda sa Konstitus­yon, kasama ang pagpapahaba sa limang taon na termino ng mga gobernador hanggang kapitan ng mga barangay, at mga kongresista mula sa tatlong taon ngayon na may dalawang magkasunod na reeleksiyon, at paglalagay sa Saligang Batas o pagsasabatas ng ‘Mandanas Ruling’ ng Korte Suprema noong 2018 na nagbibigay sa mga LGU ng higit na malaking bahagi  mula sa ‘Internal Revenue Allotment (IRA) fund’ sa estado.

Ang ‘just IRA share” ng mga LGU, ay magbibigay sa mga ito ng pagkakataong isulong at tapusin ang higit na malawak at mahalagang mga programang may matagalan at positibong pakinabang sa mga mamamayan lalo na kung mapapahaba ang termino ng kanilang panunungkulan.

Nilakihan ng Mandanas Ruling ang ‘IRA base’ na lalong lolobo sa P354 bilyon sa 2022, P382 bilyon sa 2023, P420 bil­yon sa 2024, at P466 bilyon sa 2025. Niresolba nito ang isyu sa pagbabasehan ng 40 porsiyento ng IRA – kung ito ay mga buwis lamang mula sa nasasakupan ng mga LGU o mula sa pangkalahatang buwis sa bansa. Kinatigan ng Korte Suprema ang huli batay sa mga probisyon ng 1991 Local Government Code.

Bilang PCL national chair, sabi ni Salceda, pamumunuan niya ang mga hakbang upang magkaroon ng kinatawan ang PCL sa mga Regional Development Council.

Kaugnay nito, giit niya, dapat maging ‘financially strong and stable’ ang PCL na ang mahahagang programa nito na ipapatupad sa pakikipag-ugnay sa pamahalang nasyunal at mga LGU at may laang pondo sa ‘General Appropriations Act’ at taunang mga badyet ng mga lalawigan, lungsod at mga bayan-bayan, kung saan aktibong kasali ang lokal na mambabatas na lalong magpapalago sa kanilang mga kakayahan.

Comments are closed.