JIA NAGPASIKLAB SA JAPAN V.LEAGUE

PATULOY na gumagawa ng marka si Jia de Guzman sa Japan V.League sa kanyang maningning na performance sa four-set win ng Denso Airybees laban sa Okayama Seagulls kahapon.

Umiskor ang Filipina setter ng 3 points sa 19-25, 25-20, 25-13, 30-28 panalo ng Airybees kontra Seagulls sa Okazaki Central General Park.

Umangat ang Denso sa 5-5 sa sixth place.

Nagtala si De Guzman ng 2 kills at isang block, na itinampok ng official X (dating Twitter) account ng V.League.

Ang Creamline star ay galing sa  bench sa opening set at naging starter sa  second kung saan nanalo ang Airybees upang itabla ang laro sa 1-1.

Nanguna si Brazilian import Rosamaria Montibeller sa scoring, salamat sa solid performance ni De Guzman, para sa Denso na may 28 points sa 26 kills, isang block, at isang service ace.

Kabilang sa mga nakasaksi sa performance ni De Guzman si Jaja Santiago, na kasalukuyang naglalaro para sa  JT Marvelous, at ang kanyang mister na si Taka Minowa, ang coach ng Nxled sa Premier Volleyball League.

Sa kanyang IG story post, ipinagmamalaki ni Santiago si De Guzman at sinabing manatili sana itong malusog sa V.League.

Sa pagkatalo ay nahulog ang Seagulls sa 2-8 sa 11th place.