JIA, THEA WAGI NG SPECIAL AWARDS SA SEA V.LEAGUE LEG 1

HINDI lamang nakopo ng Alas Pilipinas ang bronze medal sa first leg ng 2024 Southeast Asia V.League kundi gumawa rin ng malaking impact sa individual awards. 



Si Jia De Guzman ay ginawaran ng Best Setter award, habang si Thea Gagate ay napiling Best Middle Blocker.

Si De Guzman, isang seasoned performer at eight-time Premier Volleyball League Best Setter sa Creamline, ay gumanap ng mahalagang papel sa paggabay sa Pilipinas sa isa pang podium finish. Ang tagumpay na ito ay dumating tatlong buwan pa lamang makaraang tulungan niya ang Alas na makopo ang bronze medal sa 2024 AVC Challenge Cup sa Manila.

Nakasalo ni Gagate, gumawa ng kasaysayan nang maging kauna-unahang top overall pick sa PVL Draft ng ZUS Coffee, sa Best Middle Blocker award si Dinh Thi Tra Giang ng Vietnam.

Ang awards ceremony ay isinagawa kasunod ng dramatic five-set victory ng Thailand kontra Vietnam noong Linggo ng gabi. Nauna rito, ay inangkin ng Alas Pilipinas ang bronze medal kasunod ng 25-23, 15-25, 25-23, 25-21 panalo kontta Indonesia.

Si Chatchu-on Moksri ng Thailand ang Most Valuable Player makaraang pangunahan ang kanyang koponan sa ika-6 na sunod na championship. Si Moksri, kasama ang kanyang teammate na si Ajcharaporn Kongyot, ay itinanghal ding isa sa Best Outside Spikers. Tinanggap ni Vietnamese star Nguyen Thi Bich Tuyen ang Best Opposite award, habang si Thailand’s Piyanut Pannoy ay kinilala bilang Best Libero.

Ang second leg ng torneo ay gaganapin sa August 9-11 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Sinamahan nila ang apat na iba pang Pilipino na nagwagi ng individual honors sa kasaysayan ng SEA V.League — Alyssa Solomon (2023 second leg Best Opposite), Kyla Atienza (2022 Best Libero), Dawn Catindig (2019 second leg Best Libero), at Majoy Baron (2019 first and second leg Best Middle Blocker).