(Text and photos by MHAR BASCO)
TAIWAN – Muli na namang nagpamalas ng talentong Kristiyano ang mga overseas Filipino worker (OFW) na miyembro ng Jesus Is Lord (JIL) sa ginanap na Leadership Conference 2019 sa Taichung City, Taiwan.
Magkakasunod na dumagsa ang libo-libong OFWs na nagmula pa sa iba’t ibang lugar sa Taiwan lulan ng pampasaherong bus na lalahok sa nasabing pagdiriwang na ginanap sa malawak na sports complex ng Aerospace Industrial Development Corporation (AIDC).
Bago simulan ang unang bugso ng programa ay nagtipon-tipon muna sa loob ng auditorium ang mga delegado ng leadership conference na may temang “Change Maker.”
Hindi alintana ng mga OFW ang lamig ng panahon na bumabalot sa sports complex dahil na rin sa walang patid na kasiyahan at pananalig sa Diyos na buhay. Gayunman, sinimulan na ang parada ng mga kalahok sa dance presentation kung saan kasunod ang kani-kanilang grupo patungo sa nabanggit na lugar.
Umalagwa naman ang unang bugso ng programa na may kakaibang estilo sa pag-indak na animo’y professional Flamingo dancer ng Espana. Hindi naman mapigil sa kasiyahan at palakpakan ng tagasuportang OFWs ang kanilang pambato.
Nahirapan naman ang mga huradong nagmula pa sa Maynila para piliin ang magiging grand champion sa dance presentation dahil na rin sa pagpapamalas ng kahusayan sa pag-indak. Pansamantalang itinigil ng mga hurado ang komento dahil binigyan ng pagkakataong basahin ang pagpapaabot ng masigabong pagbati ng JIL Spain sa JIL sa Taiwan. Subalit nabalot ng palakpakan at tawanan dahil na rin sa isinalin sa Tagalog ng isa sa mga hurado ang ipinadalang pagbati sa wikang Espanol.
Samantala, may mga kuwartong nakatalaga sa loob ng compound ng AIDC para sa mga OFW. Ang iba namang OFWs na nag-uwian ay muling nagsipagbalik kinabukasan dahil hindi pinapayagan na mag-overnight sa labas ng pabrika (may palugit na oras).
Sa ikalawang araw ng okasyon, nagsimulang mag-calisthenics (physical exercises) sa malawak na complex ang mga delegadong OFWs hanggang alas-8 ng umaga simula alas-6 ng umaga. Sabay-sabay namang nag-almusal ang mga kalahok bago dumalo sa seminar sa loob ng auditorium ng AIDC.
May itinalagang mga security officer na nangangalaga sa katahimikan ng nasabing lugar. May itinalaga ring malalaking plastic container na paglalagyan ng basura kung saan kinakailangang ihiwalay ang plastic, papel at tirang pagkain.
Pagapang pa lamang ang dilim sa kalawakan ay nakahanda na ang outfit na cowboys costumes ng mga OFW kung saan susundan ito ng bonfire sa open air ng complex. Sa ikatlong araw ng leadership conference ay gaganapin ang longest boodle fight kung saan pagsasaluhan ng mga delegado ang almusal sa nasabing sports complex.
Bandang alas-3 ng hapon ay sinimulan ang pangwakas na panalangin bago nagsimulang lisanin ng mga OFW ang nasabing lugar pabalik sa kani-kanilang pabrika. Walang panghihinayang at pagsisisi ang namutawi sa bibig ng mga OFW sa paglahok sa taunang komperensya dahil sa blessing na kanilang tinanggap at pagpapalang hindi matutumbasan ng anumang bagay at halaga. Nasa ika-25th taong anibersaryo ang JIL Taiwan kung saan taon-taon ay ginaganap ang leadership conference sa iba’t ibang bansa, ayon kay dating OFWs na si Pastor Mark Gonzaga na dating nakatalaga sa JIL Taoyuan sa loob ng 12-taon.
Inaasahan naman ng mga opisyal ng JIL Taiwan sa pangunguna ni Edgar T. Valdoria na magiging tulay ang nasabing komperensya para maging tagapanguna rin ang mga delegadong OFW sa darating na panahon na papalit sa kanila.
Comments are closed.