INANUNSIYO kahapon ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez ang kanyang pagbibitiw bilang ‘focal person’ para sa isasagawang local source code review (LSCR) ngayong Miyerkoles, sa Automated Election System (AES), na gagamitin sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Jimenez na nagdesisyon siyang magbitiw matapos na lumitaw ang larawan ng isang aktres na nakasuot ng swimsuit mula sa kaniyang laptop, habang nagsasagawa ng presentasyon sa kick off ceremony ng source code review, na ginanap nitong Sabado, Oktubre 13, sa De La Salle University sa Taft Avenue, Malate, Manila.
“I tendered my resignation as focal person for source code review after a picture of a swimsuit-clad actress from my laptop appeared on screen during the kick off of the source code review,” ayon kay Jimenez.
Humingi rin naman si Jimenez ng paumanhin at inako ang responsibilidad sa pangyayari.
Ayon sa Comelec spokesman, bagamat wala naman siyang nakikitang pangit sa larawan ay ‘inappropriate’ naman ito o hindi akma sa isang napakahalagang aktibidad.
“I would like to apologize for the inappropriateness of the image. There was nothing wrong with the image itself but in that context it was inappropriate,” paliwanag pa niya. “Ang nangyari kasi during the kickoff, nagkaroon ng maliit na technical issue doon sa presentation. Doon sa pagpro-project ng mga presentation ng mga participant o ng mga presentor.”
“The image was on my computer. Desktop image siya. Apparently, lumalabas ‘yung desktop image for a fleeting moment when they switch in between programs. One of the things I can’t take is people saying I was hacked,” aniya pa. “That was my fault. It is my fault.”
“Unfortunately, inappropriate siya doon sa setting na ‘yun at dahil inappropriate ang nangyari at ako ang incharge sa event na ‘yun, I have to take responsibility for that,” aniya pa. “It might affect my integrity. It will be better for transparency.”
Nilinaw naman ni Jimenez na hindi siya pinagbitiw at magpapatuloy pa rin siya sa kanyang pagsisilbi bilang tagapagsalita ng poll body.
“Hindi ako pinagre-resign. Ako ang nag-resign,” paglilinaw pa niya.
Bilang focal person, nabatid na si Jimenez ang namamahala ng administrative arrangements para sa source code review. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.