IGINIIT ni Senator Jinggoy Estrada na nagpasya siyang magbigay ng kanyang pahintulot sa pagpapalaya kay ex-Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales dahil sa humanitarian considerations.
Pinalaya si Morales sa pagkakadetine sa Senado noong Huwebes ng gabi.
“Despite the seriousness of the issues that former PDEA agent Jonathan Morales is facing before the Senate — particularly his lying under oath before the Committee on Public Order and Dangerous Drugs — I have decided to also give my consent to releasing him from Senate detention because of humanitarian considerations,” sinabi ni Estrada sa isang pahayag.
Dagdag pa ng senador, binigyan niya ng konsiderasyon si Morales dahil sa kanyang edad.
“Binigyan ko ng konsiderasyon ang kanyang kalagayan, dala na rin ng kanyang edad, at ang pangangailangan na makasama ang kanyang pamilya kaya napagpasyahan ko na payagan na siyang makauwi.”
Nauna nang na- contempt si Morales sa umano’y pagsisinungaling sa pagdinig ng tinatawag na “PDEA leaks.”
Umaasa si Estrada na ang pagbanggit kay Morales bilang contempt ay magsisilbing aral sa mga tumestigo sa mga pagdinig sa Senado.
“Magsilbi sana itong aral sa mga haharap na testigo na hindi kailanman katanggap-tanggap at hindi namin hahayaan ang pagsisinungaling sa mga pagdinig sa Senado,” sinabi ng mambabatas. LIZA SORIANO