JOB FAIRS, LIBRENG SAKAY SA LRT2, AT KADIWA OUTLETS PARA SA MANGGAGAWA NGAYONG LABOR DAY

Sa pagdiriwang ng bansa ng Araw ng Paggawa ngayong araw na ito, isinusulong naman ng pamahalaan ang samu’t-saring programa para sa mga manggagawa. Isa na rito ang libreng sakay sa LRT Line 2 para sa araw na ito.

Ang mga manggagawa mula sa pribado at pampublikong organisasyon ay kailangan lamang magpakita ng kanilang company ID o anumang government-issued ID mula alas-7 hanggang alas-9 n.u. at mula alas-5 hanggang alas-7 n.g.

Bukod pa sa libreng sakay, may mga job fairs din sa araw na ito at sa mga susunod pang araw sa 43 lugar sa iba’t-ibang sulok ng bansa. Ayon sa ulat, nasa 73,779 ang trabahong naghihintay sa mga aplikante mula sa 808 na kumpanya. Ang bilang na ito ay inaasahang madadagdagan pa sa mga susunod na araw. Ang main venue ng job fair na ito ay sa SMX Convention Center, SM Mall of Asia Complex sa Pasay City. May iba pang mga job fairs sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Pinapaalalahanan ang mga aplikante na magdala ng kanilang resumé o CV, certificate of employment (kung kinakailangan), diploma, at transcript of records. Kabilang sa mga pangunahing industriya na kasali sa job fairs na ito ay ang mga BPO, manufacturing companies, finance at insurance organizations, manpower services, at sales and marketing corporations. Kabilang sa mga pangunahing bakanteng trabaho ay ang posisyon ng customer service representatives, production workers/operators, financial consultants, service crew, at sales agents o sales clerks.

Ang pagdiriwang ngayong taong 2023 ay ika-121 na selebrasyon ng Labor Day sa bansa. Ang tema para sa taong ito ay, “Pabahay, Bilihing Abot-presyo, Benepisyo ng Matatag na Trabaho Para sa Manggagawang Pilipino”.
(Itutuloy…)