JOB FAIRS SA MALLS PALALAWAKIN

PALALAKASIN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang partnership nito sa isang mall chain upang dalhin ang job fairs at iba pang  employment facilitation programs sa accessible at convenient locations sa buong bansa.

Bumisita ang mga kinatawan ng Robinsons Land Corporation (RLC) kay Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma upang talakayin ang iba pang larangan ng kolaborasyon na nakaayon sa umiiral na kasunduan sa pagitan ng dalawang partido na na nag-a-accredit sa Robinsons Malls bilang posibleng venues para sa DOLE job fairs.

May kabuuang 23 Robinsons Malls ang ginamit para sa major DOLE activities magmula noong nakaraang taon, kabilang ang job fairs na idinaos sa pagdiriwang ng Labor Day, Independence Day, at DOLE anniversary, na bahagi ng kasunduan.

Winelcome ni Secretary Laguesma ang pagpapalawak sa partnership at sinabing magbibigay-daan ito upang maabot ng ahensiya ang mas maraming manggagawa at job seekers na nangangailangan ng serbisyo ng gobyerno.

Ibinahagi ni Undersecretary Carmela I. Torres na nagsagawa ang DOLE ng  job fairs para sa specific groups at industries, kabilang ang senior high school students at ang semiconductor and tourism industries, bilang bahagi ng targeted approach ng ahensiya sa pagsasaayos ng employment.

Samantala, binigyang-diin ni RLC Vice President and Head of Operations and Marketing Joel Lumanlan ang strategic locations ng mall sa mga lalawigan at ang one-stop-shop nito sa government services sa pamamagitan ng ‘Lingkod Pinoy Center’ na nagbibigay benepisyo kapwa sa job seekers at employers.

Sinabi ni Secretary Laguesma na maaari ring magtulungan ang dalawang partido sa pagpapatupad ng youth employment programs ng ahensiya — ang Special Program for Employment of Students at ang JobStart Philippines Program.

Dumalo rin sa pagpupulong noong May 15 sa DOLE Central Office sina DOLE-Bureau of Local Employment Director Patrick P. Patriwirawan, Jr., RLC Director for External Affairs Irving Wu, at RLC Special Projects Assistant Manager Joseph James Sabio.      

LIZA SORIANO