LABIS na natutuwa ang pamahalaang lungsod ng Maynila matapos na madagdag ang isa na namang kilalang food chain sa dumadaming listahan na nagbibigay ng trabaho para sa mga senior citizens.
Pinasalamatan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Kentucky Fried Chicken (KFC) matapos na nangako itong tatanggap ng mga senior citizens na residente ng lungsod Maynila bilang mga trabahador nito.
“Thank you to these food establishments that are helping our senior citizens and nanawagan po tayo sa iba pa na sana ay mabigyan ang ating mga senior kahit temporary employment lamang dahil naniniwala ako na kayang-kaya pa nila,” pahayag ng alkalde.
Aniya, labis siyang nasisiyahan dahil nagkukusa na ang food establishments sa kabisera ng bansa na tulungan ang lungsod sa pagbibigay ng hanapbuhay para sa mga nakakatanda.
Ayon pa sa alkalde, ang Manila City Ordinance 8598 ay nagbibigay mandato sa fast food establishments na magkaloob ng pansamantalang hanapbuhay sa mga kuwalipikadong residente ng lungsod na pawang differently-abled at persons with disabilities (PWDs).
Binigyang diin ni Lacuna na maraming mga senior citizen na malakas pa ang katawan pero napagkakaitan ito ng pagkakataong kumita o magtrabaho dahil sa age limitation na kailangan para sa trabaho.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at suporta ng food establishments, sinabi ni Lacuna na maraming buhay ang magbabago dahil magkakaroon na muli ng hanapbuhay ang mga senior citizens at makakatulong ito sa paraang pinansyal ng kanikanilang pamilya.
Maliban pa dito ay mararamdaman muli ng mga senior citizens na sila ay produktibo pa at hindi pabigat sa kanilang pamilya at tagapag-alaga na lamang ng kanilang mga apo. VERLIN RUIZ