HANDA na ang lahat para sa grand homecoming parade para kina Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo, bronze medalists Aira Villegas at Nesthy Petecio, at sa iba pang Olympians sa mga kalye sa Maynila.
Tunay na hindi matatawaran ang ipinamalas na husay at tapang ng mga atletang Pinoy laban sa elite sa buong mundo sa katatapos na Summer Games.
Ang Pilipinas ang best performer sa Southeast Asia at No. 7 naman sa Asia.
Bukod sa gymastics at boxing ay kaya pa ng mga Pinoy na mag-excel sa iba pang sports, ngunit sa dalawang gold at dalawang bronze medals, ano pa ang mahihiling natin sa Paris?”
Ang gold medals ni Carlos Yulo sa floor exercise at vault ng gymnastics at ang bronze medals nina boxers Nesthy Petecio at Aiza Villegas ay naglagay sa Pilipinas sa 37th place kasalo ang Hong-Kong China sa medals race.
Ang China ay tumapos sa No. 2 sa overall na may 40 golds, ang Japan ay third na may 20, ang South Korea ay eighth na may 13, pagkatapos ay ang Uzbekistan (8 golds) sa No. 13, Iran (3) sa No. 21 at Chinese Taipei (2 golds at 5 bronzes) sa No. 35.
Nangunguna naman ang Pilipinas sa mga bansa na sumasabak sa SEA Games, sumunod ang Indonesia na may 2 gold medals din subalit may 1 bronze lamang sa badminton.
Nakagugulat naman na may isang gold medal lamang, sa judo, ang Kazakhstan, na isang Asian Games powerhouse.
Ang Indonesia ay nasa ilalim ng Pilipinas sa overall tally na may gold medals sa climbing at weightlifting, subalit may 1 bronze lamang, sa badminton.
Ang Thailand, isang perennial SEA Games champion, ay may 1-3-2 (gold sa taekwondo), habang naglaho ang pag-asa ng Malaysia para sa gold medal nang ma-disqualify si Azizulhasni Awang sa men’s keirin ng cycling at nagkasya sa dalawa lamang na badminton bronze medals.
Wala namang naiuwing gold ang Singapore at nagkasya sa isang bronze medal sa sailing.
Bagama’t hindi nakapag-uwi ng medalya ay matikas ding nakihamok sa Paris sina World No. 2 pole vaulter EJ Obiena; gymnasts Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo; boxers Hergie Bacyadan, Eumir Marcial at Carlo Paalam; rower Joanie Delgaco; weightlifters Vanessa Sarno, John Ceniza at Elreen Ando; fencer Samantha Catantan; judoka Kiyomi Watanabe; hurdlers John Cabang Tolentino at Laura Hoffman; swimmers Kayla Sanchez at Jarod Hatch; at golfers Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina.
Salamat sa iniuwi ninyong karangalan sa bansa, mga atletang Pinoy! Mabuhay kayo!