JOBLESS KA BA?

(Pagpapatuloy…)
Maraming Pilipino ang umaasa sa hanapbuhay sa ibayong dagat, kahit na kailangan pang iwan ang pamilya para kumita lang ng sapat. May mga Pinoy rin na umaalis dito kahit na may hanapbuhay naman sila sa Pilipinas dahil napakababa naman ng pasahod dito sa atin. Tinitiis na lang ang sakit dahil sa pagkakawalay sa mga mahal sa buhay.

Tinamaan din ang komunidad ng mga OFW dahil sa pagkakasuspinde kamakailan ng Kuwait sa working visa ng ilang mga Pilipino. Ang ating mga kababayan ay sumasampa sa barko, nagtatrabaho sa bukid, nag-aalaga ng maysakit at matatanda sa ibang bayan, nagtuturo, nagtatrabaho bilang kasambahay, at iba pa para lamang may magastos ang naiwang pamilya sa Pilipinas. Bakit kaya sa paglipas ng mahabang panahon, hindi pa rin natin kayang magbigay ng matinong hanapbuhay para sa marami sa ating kababayan?

Matagal nang humihiling ang sektor ng paggawa ng umento sa sahod. Bukod pa riyan, kailangan din ng dagdag na mga trabaho, pagpapatupad at pagpapatibay ng karapatan ng manggagawa, seguridad sa trabaho, na tumutuloy na rin sa usapin ng kontraktuwalisasyon na talaga namang uso pa rin hanggang ngayon. Napakahaba ng listahan ng mga isyung may kinalaman sa larangan ng paggawa.

Kamakailan ay naglabas ang Social Weather Stations (SWS) ng resulta ng isang survey na nagsasabing 69% ng mga Pilipinong may 18 gulang pataas ay nahihirapang makahanap ng trabaho sa panahon ngayon. Isipin pa lamang natin ang mga bagong gradweyt na estudyante at mga mag-aaral na papasok pa lamang ng kolehiyo ay sapat na para mapatanong tayo ng: Ano ang plano ng pamahalaan tungkol dito?

o0o

Nais kong batiin ang lahat ng aming mambabasa dito sa Pilipino Mirror, sampu ng aming mga kasamahan sa pahayagang ito, ng Maligayang Anibersaryo! Hangad ko ang patuloy na pag-unlad ng ating panulat upang makapaghatid ng serbisyo, balita, kaalaman sa ating mga tagatangkilik. Pagbati sa lahat!