MGA ilang beses bawat linggo ay nagla-live selling si Riza sa internet. Nagbebenta siya ng mga China-made na mga damit, karamihan dito ay bago ngunit mura ang halaga. Sako-sako kung bumili siya ng paninda at medyo kumikita naman siya kaya’t nakabili na rin ng e-bike na ginagamit ng asawa niyang pang-deliver ng mga orders.
Isa lamang si Riza sa mga manggagawa sa Pilipinas na walang regular na trabaho. Ayon sa pinakahuling datos, nasa 19% ang unemployed nitong Marso 2023. Ibig sabihin, nasa 8.7 milyong Pinoy ang walang trabaho.
Pero dahil may tatlong anak si Riza at maraming bayarin, kinailangan niyang maghanap ng paraan para kumita ng pera habang nasa bahay at nag-aalaga ng mga anak.
Ngunit bukod sa live selling, maraming Pilipino dito sa atin ang umaasa sa mga di-pormal na hanabuhay.
Halimbawa, ang pagluluto o pagbe-bake ng mga pagkain para ibenta online, pagsesetup ng pop-up store para ibenta ang mga pre-loved o DIY items, pag-gamit ng kakayahan at kaalaman upang makapag-alok ng iba’t-ibang serbisyo gaya ng pagho-host, pagde-design, pagco-coach, at iba pa. Ang mga bagong digital platforms ay nagbibigay ng maraming oportunidad para sa mga nais kumita.
Ang iba naman ay nagfi-freelance. Ilang taon na ring namamayagpag ang tinatawag na gig economy dito sa ating bansa. Dito ay nakakukuha ang marami ng oportunidad na kumita bilang virtual assistant, encoder, writer, graphic designer, researcher, at marami pang iba. Kaya lang, marami ring problema at isyu sa larangang ito—ngunit ibang usapan pa iyon.
(Itutuloy…)