JOBLESS NA PINOY KUMAUNTI (3.5M na lang noong Oktubre)

NABAWASAN ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho noong Oktubre sa gitna ng quarantine restrictions, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ni PSA chief Dennis Mapa na nasa 3.5 milyong Pilipino na may edad 15 at pataas ang jobless sa naturang buwan, kumpara sa 4.25 milyon na naitala noong Setyembre at sa 3.81 milyon noong Oktubre ng nakaraang taon.

Katumbas ito ng national joblessness rate na 7.4% noong Oktubre, mas mababa sa 8.9% noong Setyembre at sa 8.7% noong nakaraang taon.

Ang Metro Manila ay nanatili sa ilalim ng Alert Level 4 sa first half ng Oktubre bago niluwagan sa Alert Level 3.

Anim na rehiyon ang nagtala ng unemployment rates na mas mataas sa national average — Calabarzon na may 10.3%; Mimaropa na may 10.0%; National Capital Region, 9.2%; Region V, 9.0%; Region I; 8.4%; at Region VIII na may 7.6%.

Ayon sa PSA, ang top major industries na nagposte ng pinakamataas na pagbaba sa employment para sa buwan ay ang construction; transportation and storage; wholesale and retail trade, repair of motor and motorcycles; other service activities; at arts, entertainment, and recreation.

Nasa 16% naman ang underemployed Filipinos o yaong nagpahayag ng pagnanais na magkaroon ng karagdagang work hours o trabaho, na mas mababa sa 20.9% noong Hulyo, subalit mas mataas sa 14.4% noong Oktubre 2020.

Sa datos pa ng PSA, ang employed Filipinos para sa Oktubre ay nasa 43.83 million, tumaas mula sa 39.84 million sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, na may katumbas na employment rate na 92.6% mula 91.1% noong Setyembre at  91.3% noong Oktubre 2020.

Ang services sector ang may pinakamalaking share ng employed Filipinos na may tinatayang 57.6%, kasunod ang agriculture sector na may 24.6%, at industry sector, 17.8%.