BUMABA ang bilang ng mga walang trabahong Pinoy sa 1.89 million noong Setyembre ng kasalukuyang taon mula 2.07 million noong Agosto, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang unemployment rate ay nasa 3.7% noong Setyembre, mas mababa kumpara sa 4.0% noong Agosto at sa 4.5% sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Samantala, ang employment rate ng bansa noong Setyembre ay tumaas sa 96.3% mula 96.0% noong Agosto at sa 95.5% noong September 2023.
Katumbas ito ng 49.87 milyong Pilipino na may trabaho noong Setyembre, kumpara sa 49.15 million noong Agosto at sa 47.67 million noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ayon kay Mapa, may 5.94 million din mula sa 49.87 million employed individuals ang nagpahayag ng pagnanais na magkaroon ng karagdagang working hours, dagdag na trabaho, magkaroon ng bagong trabaho na may mas mahabang oras ng trabaho.
Nangangahulugan ito na ang underemployment rate noong Setyembre ay tumaas sa 11.9% mula 11.2% noong August 2024.
Tumaas din ang labor force participation rate (LFPR) sa 65.7% mula 64.8%, nangangahulugan na may 51.77 million Filipinos na may edad 15 at pataas ang nasa labor force, o yaong may trabaho o walang trabaho.
Nangunguna pa rin ang services sector pagdating sa bilang ng mga may trabahong indibidwal (49.87 million) na may share na 62.8%.
Sumunod ang agriculture sector na may 19.9%, at ang industry sector na may 17.4%.
Ang top five sub-sectors na may pinakamalaking pagtaas month-on-month ay ang mga sumusunod:
• Administrative and support service activities (642,000)
• Manufacturing (357,000)
• Agriculture and forestry (294,000)
• Other service activities (235,000)
• Fishing and aquaculture (129,000)
Samantala, ang top five sub-sectors na may pinakamalaking pagbaba sa bilang ng employed persons mula August hanggang September 2024 ay ang mga sumusunod:
• Wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles (-597,000)
• Construction (-284,000)
• Human health and social work activities (-177,000)
• Accommodation and food service activities (-173,000)
• Public administration and defense; compulsory social security (-125,000)