JOBLESS NA PINOY NABAWASAN(2.6M na lang noong Hulyo)

JOBLESS

BUMABA ang bilang ng mga walang trabahong Pinoynoong Hulyo, ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Gayunman ay nadagdagan ang underemployed Filipinos sa naturang buwan.

Sa preliminary results ng Labor Force Survey ay lumitaw na may 2.60 million unemployed Filipinos noong Hulyo, mas mababa kumpara sa 2.99 million noong Hunyo at sa 3.23 million na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Katumbas ito ng unemployment rate na 5.2%, mas mababa kaysa 6.0% noong Hunyo at sa 7.2% na naitala noong Hulyo 2021. Ito na ang pinakamababang rate magmula nang maitala ito sa 4.5% noong Oktubre 2019.

Ang numero noong Hulyo ay naglagay sa average unemployment rate para sa 2022 sa 5.9%, bu­maba mula sa 7.8% noong nakaraang taon at dumikit sa 5.1% noong 2019, ang taon bago pumutok ang COVID-19 global health crisis.

“Kung titingnan natin ‘yung trend, posibleng bumaba ito sa mga susunod na buwan,” ssbi ni PSA chief Dennis Mapa.

Sakop ng July Labor Force Survey ang national at regional data.

Ang Metro Manila ang nakapagtala ng pinakamataas na unemployment rate sa mga rehiyon noong Hulyo sa 6.9%, kasunod ang Calabarzon sa 6.3%. Ang Cagayan Valley ang may pinakamababa sa 2.8%, sumusunod ang Davao Region sa 2.9%.

Sa quarter-on-quarter basis, ang manufacturing ang nalaglagan ng pinakamaraming trabaho sa 163,000. Bumaba rin ang employment sa education, human health and social work, mining and quarrying, kasama ang information and communication.

Samantala, pinangunahan ng professional, scientific, at technical activities ang mga industriya na nagbawas ng trabaho year-on-year sa 93,000. Sumusunod ang information and communication, manufacturing, water supply and waste management activities, kasama ang mining at quarrying.

Sa pagtaya ng PSA ay may 6.54 million underemployed Filipinos noong Hulyo. Katumbas ito ng 13.8%, mas mataas kumpara sa 12.6% noong Hunyo ngunit mas mababa sa 14% noong Abril at sa 21% noong Hulyo 2021.