BUMABA pa ang bilang ng mga walang trabahong Pinoy noong Agosto, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang briefing, iniulat ni National Statistician Dennis Mapa na ang jobless Pinoys ay pumalo sa 2.21 million, mas mababa kumpara sa 2.27 million noong Hulyo.
Ang latest figure ay katumbas din ng national unemployment rate na 4.4%.
Ang bilang ng mga indibibwal na nasa labor force market ay umakyat sa 50.29 million noong Agosto mula sa 46.90 million noong Hulyo.
Ang bilang ng mga may trabaho ay tumaas din sa 48 million noong Agosto mula 44.63 million noong Hulyo, habang ang underem- ployed — o yaong mga may trabaho ngunit naghahanap ng karagdagang kita — ay bumagsak sa 5.63 million mula 7.10 million.
Ayon kay Mapa, ang bansa ay nagtala ng pagtaas sa mga aktibidad sa fishing at agriculture, gayundin sa retail trade sa gitna ng pagbubukas ng klase.
“Napansin namin na nagkaron ng activities na related to planting noong August after nung binaha tayo noong July kaya tumigil,” aniya.
Sa retail trade, sinabi ni Mapa na nakapagtala rin ang PSA ng pagtaas sa bilang ng mga manggagawa para sa school-related jobs, tulad ng produksiyon ng school uniforms.
Base sa month-onmonth data, ang agriculture and forestry ang nangunguna sa mga industriya na may pinakamalaking pagtaas sa employment na may 1.95 million. Sumunod ang wholesale at retail trade na may 1.14 million.
Nagposte rin ang construction, fishing and aquaculture, at education ng pagtaas sa employment figures.
Bagama’t nadagdagan ang bilang ng mga may trabaho, ang kalidad ng trabaho ay nanatiling mababa.
“Sa wages and salary workers slight ang galaw. Malaking increase ay sa self-employed at unpaid family workers… hindi ganun kataas ang quality of jobs,” sabi ni Mapa.