JOHNSON SA MERALCO, JACKSON SA RAIN OR SHINE

SINELYUHAN ng Rain or Shine at Meralco ang isang one-on-one trade na kinasasangkutan ng Fil-Am guards, ilang araw bago ang pagbubukas ng 2021 PBA Governors’ Cup sa December 8.

Sa ilalim ng deal, dadalhin ng Bolts si Trevis Jackson sa  Elasto Painters kapalit ni  rookie Franky Johnson.

Ang 26-anyos na si Jackson ay halos tatlong taong naglaro para sa Meralco franchise, na kinuha siya fifth overall sa 2018 Annual Rookie Draft. Nakapaglaro siya sa kanyang kauna-unahang finals appearance nang yumuko ang Bolts sa champion Ginebra sa 2019 Governors’ Cup championship.

Sa kampo ng Elasto Painters ay makakasama ni Jackson sina veterans Gabe Norwood, Beau Belga, at James Yap kung saan sisikapin nilang tuldukan ang championship drought.

Walang hangad ang Meralco management kundi ang ikatatagumpay ng career ng kanilang dating  player.

“He is a good teammate, and we thank him for giving his time and effort to Meralco,” wika ni Bolts team manager Paolo Trillo sa isang statement. “We wish Trevis the best with his new team.”

Samantala, si Johnson ay sumalang sa tatlong laro lamang sa 2021 Philippine Cup kung saan nagtala siya ng averages na 4.0 points, 2.3 rebounds, at 0.7 assists.

Siya ay no. 17 overall pick ng Elasto Painters sa 2020 draft.

Magiging malaking tulong siya sa Meralco side na tinatampukan nina  Chris Newsome, Mac Belo, Alvin Pasaol, at Allein Maliksi. CLYDE MARIANO