MAGKASABAY na nagpapatrolya ngayon sa karagatan at himpapawid ng bansa ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines at United States Indo-Pacific Command sa West Philippine Sea (WPS), pagkumpirma ng hukbong sandatahan kahapon.
“I think there is no reason for any other party to take this against us or against the US kasi wala tayong nilalabag na batas dito. Kung meron isang party na gagawa ng aksyon na magreresulta sa gulo, then it is their problem and it is them to be blamed,” ani Col Medel Aguilar, Armed Forces of the Philippines spokesman, kaugnay sa isinagawang joint air and maritime patrol.
Kinumpirma rin ni AFP Public Information Office chief Col Xerxes Trinidad na kabilang sa nagsasagawa ngayon ng maritime cooperative activity sa bahagi ng West Philippine Sea ang ilang aircraft ng Philippine Air Force (PAF) at US Indo-Pacific Command.
Nabatid na nagsimula ang maritime cooperative activity kamakalawa sa bahagi ng Mavulis Island sakop ng Northern Luzon Command’s joint area of operations.
“The activity is aimed at testing joint flight doctrines and further enhancing interoperability and fostering regional cooperation between the long-standing allies,” pahayag naman ni Col Consuelo Castillo, tagapagsalita ng Philippine Air Force matapos niyang kumpirmahin na bukod sa ilang air asset ay kabilang ang kanilang dalawang FA-50PH aircraft sa pagsasagawa ng joint PH-US Maritime Cooperative Activity (MCA) sa bisinidad ng Batanes at West Philippine Sea area.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagsasabing na patunay ito sa pangako sa Amerika na palakasin ang interoperability ng kani-kanilang puwersang militar sa pagsasagawa ng pagpapatrolya.
Paliwanag ng pangulo, sa pamamagitan nito, mapapalakas ang regional security at patuloy ang partnership sa pagbabantay ng parehong interes.
Dagdag pa ng pangulo, na ang joint patrols ay bahagi ng serye ng mga aktibidad na kanilang napagkasunduan ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) ng parehong bansa.
Tiwala ang pangulo na ang pagtutulungan na ito ay makakatulong sa mas ligtas at matatag na kapaligiran para sa mga Pilipino.
Ang joint maritime and air patrols ay magpapatuloy hanggang November 23.
Muling nilinaw ni Col. Medel na hindi nito layuning palalain ang tension at lahat ng kanilang galaw at intension ay halaw sa international laws and conventions on the law of the seas.
Umaasa ang hukbo na igagalang ito ng China at igagalang din nila ang international law and conventions para maisulong ang peaceful settlement sa hidwaan. “So there should be no dangerous maneuver, there should be no harassment, and there should be no use of water cannon.” VERLIN RUIZ