NILAGDAAN na ang Philippine-Japan Reciprocal Access Agreement na sinaksihan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglalayong magpalitan ng sundalo o para sa joint drills ng dalawang bansa para maisakatuparan ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific.
Tinanggap sa Malacanang ni Pangulong Marcos sina Japanese Foreign Minister Kamikawa Yoko at Japanese Defense Minister Kihara Minoru na nagkortesiya sa Punong Ehekutibo.
“It is a great pleasure and honor to welcome the foreign minister, the honorable Kamikawa Yoko and the Defense Minister of Japan, the honorable Kihara Minoru, to the Philippines today for a very, very important event that our two countries have been working very hard to achieve,” ayon sa Pangulo.
Ang dalawang opisyal ng Japan ay nasa bansa para sa 2nd Foreign And Defense Ministerial Meeting, ang pinakamataas na mekanismo ng konsultasyon upang higit pang palalimin ang koordinasyon ng patakaran sa seguridad at depensa, gayundin ang pakikipagtulungan sa seguridad sa pagitan ng dalawang bansa.
Kasunod ng joint courtesy call, sinaksihan ni PBBM, ang ceremonial signing ng Philippines-Japan Reciprocal Access Agreement o RAA sa pagitan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Foreign Minister Kamikawa Yoko.
Ang RAA ay magpapadali sa mga benepisyo ng defense cooperation sa pagitan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang balangkas para sa pagsasagawa ng naturang kooperasyon, gayundin ang pagtukoy sa katayuan ng visiting force at ng civilian component nito.
Sa nasabing kasunduan, pahihintulutan ng RAA ang mga puwersang Pilipino na makapasok sa Japan para sa joint combat training.
Inaasahang magkakabisa ang RAA pagkatapos ng ratipikasyon ng mga lehislatura ng dalawang bansa.
Samantala, ang unang unang formal negotiations sa RAA ay isinagawa saTokyo noong November 29-30, 2023.
Pinamunuan ito ng DND kasama ang delegasyon mula sa he Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ). EVELYN QUIROZ