JOINT INVESTIGATION SA RECTO BANK INCIDENT

RECTO BANK-2

MAGKAKAIBA ang posisyon ng mga mi­yembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang magsagawa ng joint investigation kasama ang China hinggil sa insidente sa Recto Bank.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, bukas ang pamahalaan sa lahat ng mga posibleng paraan para maresolba ang usa­pin at kabilang aniya rito ang isang joint investigation.

Dagdag ni Nograles, makatutulong rin ang pakikipag-usap  ng Fi­lipinas sa China para matukoy kung paano makakakuha ng hustisya ang mga mangingisdang Pinoy na sakay ng lumubog na bangka sa Recto Bank.

Taliwas naman dito ang naging posisyon ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr. kung saan sinabi nito na walang mangyaya­ring joint investigation sa pagitan ng Filipinas at China.

Sinabi ni Locsin, binanggit na niya kay Executive Secretary Sal­vador ang kanyang opinyon na sinuportahan ng Malakanyang.

Iginiit pa ng kalihim, sakop ng hurisdiksyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang usapin sa nangyaring pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto Bank.

Samantala, tumanggi nang magkomento si Justice Secretary Menardo Guevarra at sinabing ipinauubaya niya na lamang kay Pangulong Duterte ang pagpapasiya hinggil sa panukalang joint investigation.  DWIZ 882

RESULTA NG IMBESTIGASYON NG PCG

AT MARINA NAISUMITE NA SA MALAKANYANG

NASA tanggapan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang report ng Philippine Coastguard at MARINA kaugnay sa imbestigasyon ng banggaan ng isang Chinese vessel  at bangkang pangisda ng mga Filipino sa Recto Bank.

Ito ang kinumpirma ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa isang panayam sa Bangkok, Thailand noong nakaraang Huwebes na naisumite na ng PCG at MARINA ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

Subalit hindi na nagbigay pa ng komento si Tugade sa nilalaman ng report at hahayaan na lamang si Pangulong Duterte na magsalita ukol dito.

Gayundin, hindi pa alam ng kalihim kung nabasa na ito ng Pa­ngulo.

Binigyang diin naman ni Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Pa­nelo na magtutulungan ang Filipinas at China sa imbestigasyon upang mailabas ang tunay na nangyari.

SENADO PABOR SA JOINT INVESTIGATION NG CHINA AT FILIPINAS

PABOR si Senate President Tito Sotto III sa hirit na joint investigation ng China at Filipinas kaugnay sa pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Filipino sa Recto Bank.

Ito ang naging tugon sa mungkahi ni Chinese Foreign Ministry Lu Kang na magkatuwang na sisiyasatin ng dalawang bansa ang insidente kung saan inabandona ang 22 mangingisdang Pinoy sa karagatan.

Pero ayon kay Sotto, dapat ay magkaroon muna ng magkahiwalay na imbestigasyon ang Filipinas at China bago ang joint investigation.

Anang senador, ang pagsisiyasat  ay maaring magkatuwang na gawin ng Department of Justice (DOJ), Department of Natural Resources (DENR) at ng Philippine Coast Guard (PCG).

Comments are closed.