INALMAHAN ng China ang umano’y mapanirang panghihimasok ng United States na nagpapataas ng tensiyon at binabalewala ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Naglabas ng kanilang saloobin ang Chinese Embassy sa Manila kasunod ng ginawang pagbisita ni U.S Defense Secretary Lloyd Austin III at ihayag na pinaboran ng gobyerno ng Pilipinas ang kanilang kahilingan na magkaroon pa ng karagdagang apat na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
Sana umano ay maging mapagmatyag ang Pilipinas at huwag hayaang magamit o abusuhin at makaladkad sa nag aalimpuyong dagat.
“It is hoped that the Philippine side stays vigilant and resists from being taken advantage of and dragged into trouble waters, ayon sa inilabas na pahayag ng tagapagsalita ng Chinese Embassy.
Sa kanyang pagbisita, siniraan umano ni US Secretary of Defense ang China sa isyu ng South China Sea para isulong ang anti-China political agenda ng US.
Ang ganitong mga hakbang ay sumasalungat sa karaniwang adhikain ng mga rehiyonal na bansa na hanapin ang kapayapaan, kooperasyon at pag-unlad, at sumalungat sa karaniwang adhikain ng mamamayang Pilipino na isulong ang maayos na pagbangon ng ekonomiya at mas magandang buhay sa pakikipagtulungan sa China.
“Peace and development are the theme of the day. China always holds that defense and security cooperation between countries should be conducive to regional peace and stability, not target against any third party, even less to harm the interests of a third party,” pahayag pa ng embahada.
Nabatid pa na nagkasundo na rin umano ang Pilipinas at Amerika para simulan ang joint maritime patrol sa bahagi ng West Philippine Sea.
Sa paghaharap nina Austin at Defense Secretary Carlito Galvez ay nagpalitan sila ng mga pananaw sa ibinahaging mga hamon sa seguridad ng rehiyon sa Indo-Pacific at binibigyang-diin ang kahalagahan ng magandang koordinasyon sa pagpapatakbo.
Ayon sa US Defense department, sumang-ayon ang dalawang pinuno na muling simulan ang magkasanib na pagpapatrolya sa South China Sea upang makatulong sa pagtugon sa mga kasalukuyang hamon.
Sa pagbisita ng US Defense Secretary ay tiniyak nitong tutulungan ang Pilipinas na gawing makabago ang “defense capabilities” at itaas ang interoperability ng American at Filipino military forces sa pamamagitan na rin ng mga pagsasanay.
Nabatid na ilan sa mga lumutang na site na sinasabing papayagan na magkaroon ng temporary basing ang US, ay ang Palawan na nakaharap sa West Philippine at sa mga pinag aagawang teritoryo, sa ilang lalawigan sa hilagang Luzon na malapit lamang sa China at Taiwan
Nilinaw naman ng US DOD at ng Defense Department ng Pilipinas na hindi maglalagay ng permanenteng base militar ang Amerika sa Pilipinas.
Binigyang diin ni Austin na hindi base militar ang mga EDCA site kundi ito ay ang mga lugar kung saan nagsasanay ang mga sundalong Amerikano gayundin ay imbakan ng kanilang mga kagamitan.
Sa pamamagitan ng 1st class training na makukuha ng mga sundalong Pilipino mula sa mga sundalong Amerikano, mas lalawak ang kanilang karanasan at mahahasa ang pakikipaglaban sa terorismo,” ayon kay Galvez.
VERLIN RUIZ