MEDYO naaliw ang inyong lingkod, lumalabas na may pagka-gullible pala itong si Congressman Martin Romualdez dahil naniwala agad siya sa isang pahayag ni Presidente Digong Duterte tungkol sa karera para sa House Speaker.
Last Tuesday, nag-joke si Presidente Duterte sa mga Palace reporter. Ayon sa kanya, sinabihan niya si Gloria Macapagal-Arroyo na ito na ang pumili ng kanyang successor bilang House Speaker.
Paretiro na naman daw si Speaker GMA at ayaw na niya ring problemahin pa ang bakbakan sa Kamara, dagdag ng Presidente.
Ibinunyag ni Duterte na nangyari ang pag-uusap nila ni GMA sa Hugpong ng Pagbabago Thanksgiving sa The Manila Pen noong Lunes.
Tatlong taon na sa puwesto si Duterte at kilala na natin siya pagdating sa mga binibitiwan niyang salita. Parang isang puzzle, mapapaisip ka talaga at mapapatanong sa sarili, totoo kaya ang kanyang sinasabi? Hindi siya masamang tao, pilyo lang. Malaro ba. Naniniwala ako na hindi ipagkakatiwala ng Presidente sa kamay ni GMA ang naipundar niyang political capital at isosolido niya pa ito sa remaining three years ng kanyang termino. Walang value kung si GMA ang hahayaan niyang mamili ng next House Speaker.
Saka sa ilalim ng pamamahala ni GMA bilang House leader, maraming priority bills ang Presidente na nabimbin (kabilang dito ang ukol sa ekonomiya at social services para sa mahihirap).
Ang buong akala ni Cong. Martin, e pabor sa kanya ang joke ni Presidente Duterte. Ang hindi niya alam, dahil dito’y naging sentro siya ng katatawanan sa hanay ng mga kapwa niya kongresista na siyang pipili mismo ng susunod nilang House Speaker.
Comments are closed.