JOKIC NASUNGKIT ANG IKA-3 NBA MVP AWARD

ITINANGHAL si Denver Nuggets center Nikola Jokic bilang NBA Most valuable Player sa ikatlong pagkakataon sa apat na  seasons noong Miyerkoles.

Ang 29-year-old Serbian star,  na napanalunan ang award noong 2021 at  2022, ay  runner-up sa botohan noong 2023 subalit pinangunahan ang  Nuggets sa kanilang unang NBA title.

Ngayong season ay may average siya na 26.4 points, 12.4 rebounds at  9.0 assists sa regular season at tinalo sina Oklahoma City Thunder star Shai Gilgeous-Alexander at Luka Doncic ng Dallas Mavericks sa final voting para sa award.

Sa isa pang season kung saan muling nagningning si Jokic, naging ikalawang player siya matapos ni Oscar Robertson, na nagtala ng 2,000 points, 900 rebounds at 600 assists sa isang season.

Ang kanyang 25 triple-doubles at 68 double-doubles ay kapwa pangalawa sa liga.

Si Jokic ay pumasok sa elite territory sa kanyang ikatlong MVP crown. Si Kareem Abdul-Jabbar ang may pinakamaraming MVP awards na may anim. Sina Bill Russell at Michael Jordan ay may tig-5 habang sina Wilt Chamberlain at LeBron James ay may tig-4.

Sinamahan ni Jokic sina Moses Malone, Larry Bird at  Magic Johnson bilang three-time winners makaraaang makakuha ng 79 first-placed votes kumpara sa 15 para kay Gilgeous-Alexander at 4 kay Doncic.

“We’ve got to start with the teammates. Without them I cannot do anything,” wika ni Jokic sa MVP announcement broadcast sa TNT.

“Coaches, players, organization, medical staff, across time coaches, development coaches — it’s all one big circle that I cannot be wherever I am without them.”