BUBUKSAN ngayon sa publiko ang pinagandang Jones Bridge na ginayakan ng mga sinaunang disenyo para maging kaakit-akit sa sambayanan at maging sa mga turista.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang 200 metrong habang kalsada na nag-uugnay sa Escolta at China Town ay tinustusan ng may P20 milyon ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa tulong ng Filipino-Chinesebusinessmen .
Ang naturang proyekto ay bahagi ng isinasagawang pagpapaganda ni Moreno sa Maynila kung saan sinasabing plano rin ng city government na ayusin ang lima pang pangunahing tulay na bumabagtas sa Pasig River.
Magugunitang ilang araw matapos na manungkulan si Moreno bilang bagong halal na alkalde ng lungsod ay nagkaloob ng fi-nancial assistance ang Public Welfare Charity Foundation, ang charity arm ng Philippine Chinese Chambers of Commerce and In-dustry.
Bukod sa 734-meter Binondo-Intramuros Bridge na nag uugnay sa dalawang makasaysayang distrito ng Maynila ay inayudahan din ng mga Chinese businessmen ang konstruksiyon ng dalawang tulay sa Metro Manila, partikular sa Makati at Mandaluyong.
Sa kanyang pagbisita kay Moreno ay sinabi ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na may lima pang tulay ang gagawin sa pamamagitan ng ‘soft loans’ mula sa China.
Samantala, pinag-aaralan na ngayon ng mga awtoridad kung idadaan sa bagong Jones Bridge ang Traslacion ng Itim na Poong Nazareno.
Ayon kay Moreno, wala sa kanyang mga kamay kung padaraanin o hindi ang prusisyon, at ang mahalaga ay ang seguridad ng milyon-milyong deboto.
“’Yung pagpapaganda, maganda iyon. Pero sa akin, mas maganda sa akin ‘yung ligtas ang lahat, ‘yung kaligtasan ng bawat isa. Kasi walang uri ng ganda na puwedeng ipampalit sa buhay ng tao.” VERLIN RUIZ
Comments are closed.