JONES CUP CROWN SA STRONG GROUP

NALUSUTAN ng Strong Group Athletics ang Chinese Taipei A, 83-79, sa overtime sa kanilang virtual championship game upang pagharian ang 2024 William Jones Cup noong Linggo.

Nakumpleto ng mga kinatawan ng Pilipinas ang  title sweep makaraang hindi makatikim ng talo sa walong laro at nakopo ang hindi nila nakamit noong nakaraang Enero, nang malasap nila ang pagkatalo sa Al Riyadi sa finals ng 33rd Dubai International Basketball Championship via game-winner.

Tangan ng SGA ang kalamangan sa halos buong laro, subalit unti-unting humabol ang Chinese Taipei at naiposte pa ang 71-64 lead sa huling  1:08 ng fourth quarter.

Hindi basta sunuko ang SGA at sinindihan ni Tajuan Agee ang 8-0 run, tampok ang massive corner three-pointer mula kay Kiefer Ravena laban kay 7-foot Brandon Gilbeck upang bigyan ang Pilipinas ng 73-71 bentahe.

Gayunman ay nakumpleto ni Gilbeck ang isang putback play upang maipuwesa ang 73-73 deadlock at ihatid ang laro sa overtime.

Isinalpak ni RJ Abarrientos, na ang triples sa kaagahan ng fourth ay nagpanatili sa kanilang kalamangan, ang isa pang tres sa extra period bago binigyan ng dalawang freebies ni Agee ang koponan ng 78-74 kalamangan. Gayunman ay mabilis na sumagot ang  Chinese Taipei at itinabla ang talaan sa 78-all.

Pagkatapos ay binigyan sila ni Chris McCullough ng 80-78 lead bago na-foul out sa huling 2:05 habang dalawang charities ni Jordan Heading ang naglagay sa iskor sa 82-79, may  12.2 segundo ang nalalabi.

Nanguna si Agee para sa  SGA na may 21 points, 9 rebounds, 3 assists, 2 steals, at 1 block habang nag-ambag sina DJ Fenner at Abarrientos ng 15 at 14 markers, ayon sa pagkakasunod. Tumapos si Ravena na may 9  points, 4 boards, at 4 dimes.

Ang SGA ang ika-7 Philippine team na nagwagi sa torneo at pangalawa sa loob ng limang taon matapos ng Mighty Sports noong 2019. Si SGA head coach Charles Tiu din ang gumabay sa naturang koponan.