JONES CUP: ELASTO PAINTERS VS JAPAN

UMAASA ang Rain or Shine Elasto Painters na sapat na ang one day break upang maipahinga ang kanilang mga pagod na binti habang nagtatangkang tapusin nang matikas ang kanilang kampanya sa 42nd Jones Cup.

Makaraang magpahinga kahapon, ipagpapatuloy ng koponan ang kanilang kampanya sa torneo sa pagsagupa sa Japan U-22 team ngayong Sabado sa Taipei Heping Gymnasium.

Bago ang rest day, ang tropa ni coach Yeng Guiao ay sumalang sa anim na sunod na laro simula sa opener noong nakaraang linggo at may 1-5 record mula sa backbreaking schedule.

Ang tanging panalo ng koponan ay kontra Iran, 98-90, na kanilang naitala matapos ang dalawang overtime periods.

Sa kanilang huling laro ay nalasap ng Rain or Shine ang 87-77 kabiguan laban sa reigning Korean Basketball League (KBL) champion Anyang KGC.

Ang Japan ay nasa unahan ng Elasto Paint- ers sa standings sa 1-4 katabla ang Iran.

Naitarak ng Japanese ang unang panalo nang pataubin angIranians, 73-72.

Tatapusin ng Rain or Shine ang kanilang kampanya sa Linggo kontra league leader University of Irvine sa pagwawakas ng week-long tournament.

Ang American side ay kasalukuyang nasa ibabaw ng standings katabla ang Chinese Taipei-A na may 5-0 kartada, kasunod ang Anyang KGC (4-1), Qatar (3-3), Chinese Taipei-B (2-3), at United Arab Emirates (2-4).