JONES CUP: STRONG GROUP AYAW PAAWAT

SA KABILA na kulang sa tao, pinataob ng Strong Group Athletics Philippines ang Japan U22, 92-79, nitong Biyernes sa 43rd William Jones Cup sa Taiwan.

Hindi nakapaglaro sina Ange Kouame, Rhenz Abando, at  Tajuan Agee dahil sa injuries at sakit.

Gayunman, sumandal ang  Strong Group sa malakas na first half, kumana ng 32 points laban sa 18 points ng Japan sa second quarter, upang kunin ang 54-36 bentahe matapos ang unang dalawang quarters.

Ang freebies ni Geo Chiu sa  4:00 mark ng final frame ay nagbigay sa Strong Group ng 24-point lead, 86-62, tungo sa ika-6 na sunod na panalo.

Nanguna si Chris McCullough para sa Strong Group na may  26 points, habang nagdagdag si DJ Fenner ng 17 points para sa Pilipinas.

Tumipa si Hiyuu Ozawa ng 17 points upang pangunahan ang Japan.

Susunod na makakaharap ng Strong Group ang White Team ng Chinese Taipei (Team B) ngayong Sabado, alas-5 ng hapon.