JONVIC INIHABLA SA ‘VOTE BUYING’

JONVIC REMULLA

NANGANGANIB na ma­diskuwalipika at makulong si Cavite gubernatorial candidate Jonvic Remulla makaraang sam-pahan ng dalawang magkahiwalay na reklamo ng vote buying sa main office ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila noong Biyernes, Abril 26.

Ang mga inihaing  reklamo ay alinsunod sa Sec. 261 ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa mga kandidatong magbigay ng pera sa mga botante habang patuloy ang kampanya bago ang halalan sa  Mayo 13.

Ayon sa reklamo ni Manan Malatus, nagkaroon umano ng bigayan ng pera sa Brgy. Labrador II, Dasmariñas City noong hapon ng ika-13 ng Abril 2019.

Ani Malatus, napag-alaman niya na may isinasagawang bigayan ng  pera sa loob ng isang bahay malapit sa covered court na pinagdausan  ng programa ng kampo ni Remulla.

Ayon sa kanya, ang ibi­nibigay na pera ay para sa lahat ng mga dumalo sa mi­ting na may suot na pulang baller, at mismong ipinakita sa kanya ang sobreng naglalaman ng P200. Binanggit din ng nagreklamo na may hawak siyang mga litrato at video bilang katibayan.

Kasunod nito ang isa pang reklamo na nagsasaad ng pro­seso ng pagbibigay ng pera sa mga dumadalo ng political rally ni Rem-ulla sa Kawit.

Ayon sa salaysay ni John Amerol, isang nagngangalang ‘Ate Rose’ ang umikot sa Lakers Subdivision noong ika-9 ng Abril upang kunin ang kanyang pangalan at papuntahin siya sa covered court at dumalo sa kaganapang dadaluhan ng kampo ni Remulla. Pinagsuot din umano sila ng pulang baller at t-shirt ni Remulla  bilang palatandaan na sila ay kasama sa mga babayaran. Matapos ang nasabing programa ay inabutan umano siya ng sobre na may lamang P200.

Dagdag ni Amerol sa kanyang salaysay, mayroon siyang ebidensya na magpapatunay sa kanyang reklamo.

Ang vote buying ay isang election offense at ang sinumang kandidatong mapatutunayang  lumabag dito ay madidiskuwalipika sa halalan at makukulong.

Kasalukuyang kinukuha ng pahayagang ito ang panig ni Remulla.