MULING ipinaalala ni National Press Club President Lydia Bueno ang Journalists’ Code of Ethics sa ikinasang 2023 Media Safety Awareness Symposium na itinaguyod ng Quezon City Press Club sa pamumuno ni Rio Araja kahapon sa QC Hall.
Ang symposium ay naglalayong bigyang kaalaman ang media sa kanilang mga karapatan at mapaigting ang seguridad sa papalapit na Barangay and Sangguniang Kabataang Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Sa talumpati ni Bueno, dapat taglayin ng bawat mamamahayag ang kodigo ng tamang pamamahayag upang makaiwas sa libelo, matiyak ang seguridad at tamang gawi sa paggamit ng salita.
Aminado si Bueno na moderno na ang pamamahayag ngayon subalit dapat mapanatili ang code of ethics dahil ang pamamahayag ay isang ‘noble profession’.
Sa ngayon, patuloy na itinataguyod ng NPC ang patas na pamamahayag na Salig sa Kodigo.
Habang sa panig naman ng Presidential Task Force on Media Security, nanindigan si Executive Director Usec Paul Gutierrez na tutuparin nila ang mandato na tiyakin ang seguridad ng mga lehitimong mamamahayag.
Katunayan nito, pagpapatuloy na maisabatas ang Media Welfares Act na naumpisahan ng unang pinuno ng PTFOMS na si dating Usec Joel Sy Egco.
Alinsunod sa isinusulong na batas, bibigyan ng minimum wage ang media practitioner na may pinapasukang kumpanya, health insurance at iba pa.
Inanunsyo rin ni Gutierrez na upang maiwasan ang sigalot sa pagitan ng media na nagkokober sa mga pulis hinggil sa pagkuha ng police blotter, itinalaga ang mga PNP public information office chief bilang media vanguards.
Samantala, pinaalalahanan ni Gutierrez ang mga mamamahayag na maging non-partisan sa darating na barangay election o BSKE 2023.
Aniya, nais nitong maging responsable ang mga mamahayag sa gagawing pagkokober sa halalang pambarangay .
Diin ni Gutierrez na ang iresponsableng pagbabalita ay nakamamatay gaya ng ilang kasong inimbestigahan ng PTFoMS na napatay dahil sa pagiging iresponsable.
Sa code of ethics na iprinisinta ni Bueno, idiin nito na sa pagbabalita, dapat kunin ang parehong panig upang manaig ang patas na pagbabalita.
Kinilala naman ni Atty. Miguel Suntay, chief of staff ni QC Councilor Marra Suntay na ang krusyal na ginagampanan ng media lalo na sa papalapit na BSKE, habang iprinisenta ni Atty. Hue Jyro Go, COS ng PTFOMS, ang ilang hakbang na dapat gawin gaya sa legalidad na may kaugnayan sa pag-iingat ng media.
Mainit ding tinanggap at pinuri ng tanggapan ni Mayor Joy Belmonte sa pamamagitan ni Engelbert Apostol, hepe ng Public Affairs and Information Service Office ang katatapos na symposium. EUNICE CELARIO/ PAULA ANTOLIN