JOVIT BALDIVINO NAMATAY DAHIL SA PAGKANTA

Ni NENET VILLAFANIA

Hindi pa rin makapaniwala si Kiray Celis, kaibigan ng singer na Jovit Baldivino na na patay na ito. Kasi naman, kapo-post pa lamang niya ng masasaya nilang moments sa Facebook. Pero totoo nga. Pumanaw si Jovit dahil sa aneurysm ngayong Biyernes, December 9, 2022 sa edad na 29.

Ayon kay Kiray, kasama nila ni Jovit ang boyfriend niyang si Stephan Estopia at ilan pa nilang kaibigan sa isang boat ride habang nagkakantahan. Wala sa hinagap nilang iyon na pala ang huling pagkakataong makakasama nila si Jovit. Sobrang saya raw nila sa nasabing boat ride.

Sa official statement na inilabas ng pamilya ni Jovit, pumunta ang singer sa isang event sa Batangas kahit nagpapagaling pa ito sa hypertension dahil hindi siya makatanggi sa imbitasyon ng isang kaibigan. Pinagbawalan umano si Jovit ng kanyang doktor na mag-perform pero hindi ito nakatanggi nang hilingin ng mga tao na kumanta siya sa event. Dahil nga may hypertension, hirap sa paghinga si Jovit habang kumakanta, but the show must go on.

Pagkatapos ng performance, naupo si Jovit para magpahinga pero bigla siyang nag-collapse at na-comatose sa ospital ng limang araw, hanggang sa tuluyan na itong bawian ng buhay.

Dasal na lamang ang hiling ni Kiray para sa kaluluwa ng kanyang kaibigan, at pakikiramay na rin sa mga naulila ni Jovit at sa fiancée niyang si Camille Ann Miguel.

Ayon naman sa mga magulang ni Jovit na sina Hilario ‘Larry’ at Cristeta Baldivino, akala nila ay makakaligtas ang kanilang anak dahil mabuti-buti na ang pakiramdam nito. Ayon sa CT scan, may namuong dugo sa utak ni Jovit na senyales ng aneurysm. Tinanggal umano sa utak ng singer ang 100 cc ng dugo at na-comatose ito ng limang araw bago tuluyang pumanaw.

Pakikiramay rin ang hatid ng Pilipino Mirror sa pamilya at mga naulila ni Jovit. May you rest in peace.