JPE: WALANG SAYSAY AT PULITIKA LANG ANG ISYU NG MARCOS ESTATE TAX

ENRILE-1

MINALIIT ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang isyu ng estate tax na pilit na ipinupukol ng mga kritiko ni presidential frontrunner Ferdinand’Bongbong’ Marcos sa pagsasabing walang saysay ang paratang at pawang pulitika lamang ang motibo nito.

Kaugnay nito ay hinamon niya ang lahat ng mga nag-aakusa sa pamilya Marcos na may kailangan silang bayaran na P203-B na estate tax sa pagsasabing handa siyang maging abogado ng pamilya upang patunayan na hindi naman liable ang sino man sa mga Marcos at walang dahilan para sa kanila singilin ang nasabing halaga.

“Hindi naman ako nagyayabang, nagpractice ako ng law. Lahat ng klaseng trial na hinawakan ko na, nasa record ng Pilipinas yan. Wala pa akong natalong kaso,” wika pa niya.

Si Enrile, 98-taong gulang at  kilalang tax expert ay nagtapos ng Masters of Law degree sa Harvard School of Law na may specialization sa international tax law.

Pinayuhan din niya ang mga Marcos partikular si BBM na balewalain at huwag ng pansinin ang mga isyu na may kaugnayan sa nasabing usapin.

“Hindi ko alam eh kung anong gagawin nila pero kung ako si Bongbong, I will ignore it. Eh ‘di mag-file sila ng kaso kung totoo na may kaso subukan nila. I will present. I will tell Bongbong, ibigay mo na lang sa akin, ako na lang maghahawak nyan. Gratis et amore,” ani JPE sa panayam ng Bombo Radyo nitong Martes ng umaga.

Sinabi ni Enrile na isang malaking kalokohan ang sinasabing P203 billion na singilin sa estate tax ng matandang Marcos dahil unang-una, gusto munang malaman nito kung mayroon na bang assessment ang estate court noon.

Kung mayroon man, nais ding malaman ni JPE kung nasaan ang kopya ng naturang desisyon at ano-ano ang mga nilalaman nito.

“Kalokohan yan….Nasaan yung desisyon? Hindi pwedeng yung BIR mismo ang gagawa ng assessment ng valuation at ng asset. Eh syempre kung BIR, iwanan mo sa BIR yun eh baka lalagpas sa 200 billion ‘yung basehan nila,” ani Enrile.

Kung may dapat aniyang bayaran na estate tax, hindi si BBM at pamilya nito ang dapat singilin ng gobyerno.

“Pagkatapos kung ano ‘yung maiiwan, ‘yun ang paghatihatian ng mga heredero at doon din sila, yun pa ring batas. Iyon ang pagbabayaran nila ng inheritance tax. Iyon ang responsibility ng mga heredero,” sabi niya.

“Pero yung estate tax, ‘estate’ tax nga eh, buwis ng estate at hindi buwis ni Bongbong. Hindi buwis ni Imelda. Hindi buwis ni Imee or ni Irene. Buwis ng estate ni Presidente Marcos (kaya hindi nila pananagutan),” dagdag niya.

Dahil dito, muling binigyang-diin ni Enrile na ang isyu tungkol sa estate tax ay pilit lamang itinuturo kay BBM dahil sa usapin ng pulitika.

“Kahit  anong paninira n’yo kay Bongbong dito sa Ilocandia, kahapon lang nagpunta ako sa anim na barangay sa Lal-lo. Tinanong ko sinong boboto kay Pacquiao? Wala. Sinong Boboto kay Isko? Wala. Sinong boboto kay Ping? Wala. Sinong boboto kay Leni? Wala. Sinong boboto kay Bongbong? sumigaw ang mga tao, parang umalsa sabi… ‘Woohh Bongbong, BBM!’ paano mo tatalunin nyan? Kulelat kayo dito sa Ilocandia, kulelat kayo,” ani Enrile.

Tinawanan din ni Enrile ang mga nag-aakusa kay Marcos dahil bukod sa pulitika, marami rin sa mga kalaban nito ang hindi naiintindihan ang usapin ng estate tax.

“Walang issue. Kasuhan mo si Bongbong? eh tatawanan ka. Mag-present sana ako na maging abogado nya at dalhin nila lahat ng magagaling na mga abogado dyan,” sabi pa ni JPE.