JRMSU KAMPEON SA VOLLEYBALL; ARMY NAMAYAGPAG SA ROTC GAMES MINDANAO LEG

IPINAKITA ng Jose Rizal Memorial State University ang kanilang husay sa paluan matapos magkampeon sa volleyball sa 2023 Philippine Reserve Officers’ Training Corps (PRG) Games – Mindanao Leg Philippine Army women’s division na nilaro sa Zamboanga Peninsula Polytechnic State University sa Zamboanga City.

Winalis ng JRMSU ang Davao del Sur State College, 25-12, 25-8, 25-16, upang sikwatin ang gold medal sa event na nilalahukan ng mga ROTC cadets at units mula sa iba’t ibang colleges at universities.

Ang mga miyenbro ng JRMSU ay sina Charlene Pailaga, Jocelyn Flores, Meryl Castillon, Irah jean Bayrola, Mischel Alifonso, Alexa Alpeche, Mary Audrian Castillon at Carrlyn Vasquez.

Masaya naman si Senator Francis Tolentino, ang brainchild ng event na sinalihan ng mga atleta mula sa Army, Navy at Air Force, dahil sa tagumpay ng Mindanao leg na nagtapos kahapon.

“As we close the ROTC Games Mindanao leg, it is with great joy and pride that we also sound the starter pistol, so to speak, for the Luzon and NCR leg. Muchas gracias Zamboanga City! Hindi malilimutan ang inyong suporta at pagkakaisa! Mabuhay po ang Philippine ROTC Games 2023! Maraming salamat po!” pahayag ni Tolentino sa closing ceremony.

Nangibabaw sa Philippine Air Force ang Western Mindanao State University makaraang sungkitin ang gintong medalya matapos na kalusin sa finals ang Ramon Magsaysay Memorial College, 25-7, 25-14, 25-14.

Naghari rin ang JRMSU sa men’s basketball 3×3 kaya sumungkit din sina Clark Calasang, Mark Jan Baldonado, Richard Bonnin Pegarido at Stevezen Lavador ng gold medal.

Nilaro ang basketball sa Sta. Maria Central School Covered Court.

Nakopo ng STCAST – Santo Tomas Davao del Norte ang silver habang bronze ang Ferndale College Zamboanga Peninsula Inc.

Sa Philippine Air Force division, nagkampeon ang Ramon Magsaysay Memorial Colleges habang ang Our Lady of Triumph Institute of Technology Pagadian ang kuminang sa Navy.

Namayagpag ang Philippine Army sa medal tally matapos makalikom ng 28 golds, 28 silvers at 36 bronzes sa kabuuang 92 medals.

Naging bentahe sa Army ang sinalihan ang lahat ng sports at dami ng cadets na lumahok.

Pumangalawa ang Navy na nakalikom ng 15 golds. 14 silvers, at 8 bronzes para iuwi ang 37 medalya habang pumangatlo ang AirForce na may 11 gold, 11 silver at 9 bronze medals. CLYDE MARIANO