JUDGE, FISCAL SA NARCO LIST (Kinumpirma ng PDEA)

Aaron Aquino

KINUMPIRMA ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may mga pangalan din ng mga hukom at piskal sa hawak nilang narco list.

Sa isang panayam sa media ay kinumpirma ni PDEA Director General Aaron Aquino na pinasisimulan na nila ang validation at case build up sa listahan na naglalaman ng pangalan ng mga judge at prosecutor.

Aminado si Aquino na dismayado siya sa mga isinampang kaso na nabasura lamang kahit may matibay silang ebidensya na inihain.

Bukod ito sa mga kasong ibinasura ng mga hukom dahil lamang sa teknikalidad o kaya ay hindi sumipot ang mga pulis o mga ahente  na tumatayong mga arresting officer o complainant sa mga pagdinig.

Bistado na umano ang sistemang idinadaan sa technicalities ang  mga kaso ng PDEA, pero ani Aquino, ginagawan na lang ito ng istorya ng mga hukom.

Bunsod din umano ng katiwalian ng ilang nasa Hudikatura kaya malakas ang loob ng mga drug personality maging ng mga banyagang sangkot sa ilegal  drug trade na magnegos­yo sa Filipinas.

Bukod sa walang death penalty ay nababayaran pa nila ang mga hukom at piskal at makababalik pa sila nang ligtas sa kanilang bansa.

Sinabi ni Aquino na ito ang dahilan kaya dapat talaga ay mayroong parusang bitay laban sa mga drug smuggler. VERLIN RUIZ

Comments are closed.