ISANG babaeng judge ng Manila Regional Trial Court ang binaril at napatay ng kanyang Chief Clerk of Court sa mismong tanggapan nito sa Manila City Hall.
Mabilis na sinugod sa Manila Medical Center si Hon. Ma. Theresa Abadilla y Samonte, 44-anyos, dalaga, Presiding Judge ng Br. 45, RTC- Manila na binawian din ng buhay dahil sa tinamong tama ng bala sa kanyang mukha at dibdib.
Nagpatiwakal naman sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili ang suspek at abogado rin na si Atty. Amador B. Rebato, 42-anyos, RTC Branch 45 matapos nitong pagbabarilin ang biktima.
Batay sa inisyal na ulat ng MPD Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas 3:05 ng hapon sa loob mismo ng opisina ng hukom sa Room 535, RTC Branch 45 sa ikalimang palapag ng Manila City Hall na matatagpuan sa Villegas St., Ermita, Maynila.
Ayon sa testigo, nasa loob umano ng opisina ng nasabing Branch ang biktima at suspek nang bigla silang nakarinig ng putok ng baril.
Dahil dito, agad na rumesponde ang tauhan ng MPD SMART sa pangunguna ni Police Major Rosalino Ibay Jr. na kung saan ay tumambad sa kanila ang duguang katawan ng dalawa.
Dead on the spot ang suspek nang barilin nito ang sarili sa ulo.
Nabatid na sa dibdib at bandang mata ang tama naman ng biktima na sinubukan pang i-revive subalit namatay din.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng MPD-Homicide Section upang malaman ang motibo ng pamamaril ng abogado sa hu-kom. PAUL ROLDAN
Comments are closed.