JUETENG TALAMAK ULIT SA BATANGAS

JUETENG-8

Tiwaling PNP officials dedma sa no-take at one-strike policies ni Gen Carranza

BATANGAS – Hindi natitinag ang mga ilega­lista sa lalawigang ito sa kabila ng babala ng PNP regional director sa mga lokal na kapulisan ng Calabarzon, o Region 4-A, na ‘no-take at one-strike policies.’

“Balewala po yata sa pamunuan ng lokal na kapulisan dito sa aming pro­binsiya ang babala ni Ge­neral Carranza na kanyang sisibakin ang sinumang tauhan ng pulisya na tumatanggap ng protection money mula sa mga ilega­lista, partikular sa jueteng operators na umano’y nagtatago sa likod ng STL identification cards,” sumbong ng isang alkalde, na nakiusap na ‘wag nang banggitin ang kanyang pagkakakilanlan.

Si Carranza, hepe ng Calabarzon-PNP, ay nauna nang naghigpit sa kanyang mga tauhan laban sa pakikipagsabwatan sa bookies ng STL na nasa likod ng jueteng operations dito sabay sa pag­lunsad nito ng pinaigting na kampanya laban sa mga ilegal na sugal.

Isiniwalat ng nagsumbong na alkalde ang mga bayan kung saan talamak ang jueteng at kung sino-sino ang mga lokal na financer.

Sa Padre Garcia ay isang Kapitan Tisoy ang nagpapatakbo ng STL bookies na klaro umanong jueteng ang operations; samantalang sa bayan ng Rosario ay isang Kapitan Austria naman ang nasa likod ng ilegal na sugal.

Sa San Juan ay isa umanong Kapitan Nelson ang operator ng jueteng at sa Taysan ay isang Zaldy Conti naman ang nasa likod ng ilegal na sugal.

Isang bise alkalde naman na Alyas Noel ang nasa likod ng bookies sa San Jose; samantalang isang Alyas Esat Rocio ang nasa likod ng jueteng sa Ibaan.

Dagdag pa nito na obyus umanong dedma lang ang PNP provincial director na si Kernel Edwin Quilates sa one-strike at no-take policies ni RD Carranza dahil wala umanong seryosong kampanya ang panlalawigang pulisya laban sa muling pamamayagpag ng mga ilegal na sugal.

“Maging ang paihi ng used oil galing sa mga barko ay ginagawang protection racket din ng lokal na kapulisan, kasama ang koleksiyon sa mga ilegal na terminal,” dagdag na pahayag ng alkalde.

Kinilala nito ang umano’y bagman naman o kolektor ng PNP command na isang Alyas Digoy Guzman.

Comments are closed.