KINUKUNSINTE umano ni PNP Regional Director Tomas Apolinario ng Mimaropa (Region 4-B) at Occidental Mindoro Provincial Director Joseph Bayan ang pagkaladkad ng mga ilegalista sa pangalan ni Gen. Albayalde at Grupong Davao para sa muling pamamayagpag ng jueteng sa lalawigang nabanggit.
Ito ang tahasang sinabi ng isang opisyal ng Occidental Mindoro Sangguniang Panlalawigan na nakiusap na ‘wag banggitin ang kanyang pagkakakilanlan dahil naniwala siyang sangkot ang maraming alkalde at mataas na opisyal ng Kapitolyo sa panunumbalik ng ilegal na sugal sa kanilang probinsiya.
“Malakas ang kutob ko na may basbas ni gobernador, sa pakikipagsabwatan sa lokal na pulisya, ang talamak na namang jueteng dito sa aming lugar… kasi kung hindi sila kasabwat, eh, bakit wala silang ginawang hakbang laban sa nasabing ilegal na sugal?” tanong ng naturang Board Member.
Ayon sa kanya ay sinamantala ng mga tiwaling opisyal ng LGUs at kapulisan ang panahong isinasaayos pa ng lehitimong Small Town Lottery authorized agents ang requirements ng PCSO para sa muling pagbubukas ng legal na laro para largahan ang ilegal na jueteng at kumita nang walang obligasyong buwis o revenue na babayaran sa gobyerno.
“Pinangangalandakan nitong mga financer ng jueteng na may basbas sila kay PNP chief Oscar Albayalde dahil ang Grupong Davao umano ang nag-endorso sa kanila sa pamunuan ng probinsiya at sa PNP regional headquarters,” pahayag ng nagsusumbong na bokal.
Wala pang reaksiyon ang opisina ni Gen. Albayalde nang kontakin ng diaryong ito para sa kanyang panig. Nasa Senado umano ang heneral para sa isang public hearing. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.