GINULANTANG ng mga tauhan ng Large Taxpayers Service (LTS) ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tatlong giant grocery stores sa Metro Manila at Cavite City nang kanilang kumpiskahin ang malaking halaga ng ‘untaxed’ juice and powdered tea drinks sa utos ni Revenue Commissioner Romeo Lumagui, Jr.
Ang pagsalakay ay pinangunahan mismo ni BIRLTS Assistant Commissioner Jethro Sabariaga alinsunod sa direktiba ni Commissioner Lumagui bunsod ng non-compliance at paglabag sa mga probisyon ng National Internal Revenue Tax Code (NIRTC), kabilang na ang Sections 130, 150-B, 254 at 263 na pawang may kaugnayan sa filing at payment ng excise taxes at pagkabigong irehistro ang kanilang business, magfile ng returns at magbayad ng tamang buwis.
Ang mga revenue intelligence agent ng Kawanihan ay nakakumpiska ng mga uncovered-untaxed products gaya ng SM Bonus Minerals, Apple Juice, SM Bonus Orange Drinks sa Super Value at Super Shopping Market na kapwa nasa SM City North Mall sa Quezon City.
Nakakumpiska rin ang mga tauhan ng BIR sa hiwalay na pagsalakay na isinagawa sa S&R sa Taguig City ng lemon tea at raspheny tea, kasunod ng isinagawang raid sa Vermirich Foods Corporation sa Carmona, Cavite na siyang manufacturer ng nasabing mga produkto.
Sinabi sa report na nabigo umano ang Vermirich na irehistro ang kanilang business. Bigo rin itong mag-file ng tax returns at magbayad ng tamang buwis magmula pa noong 2018 na nagresulta sa pagkawala sa koleksiyon ng BIR na tinatayang mahigit P800 milyon sa excise at value added taxes.
Paliwanag ng BIR na nilabag din ng naturang mga tindahan ang iba’t ibang probisyon ng revenue tax code dahil ang naturang mga produkto ay bahagi ng excise at VAT tax.
Dahil dito, isinailalim sa monitoring ng BIR ang nasabing mga grocery upang matiyak na ang mga ito ay sumusunod sa tax requirements at mabantayan nang husto ang sistema ng pagbabayad ng buwis sa BIR.
Dahil sa maagap na monitoring ng LTS sa mga mall at manufacturer ng nasabing mga produkto, pinayuhan ni Revenue Assistant Commissioner Jethro Sabariaga ang mga regional director at revenue district officer sa buong kapuluan na maging mapagmatyag sa lahat ng oras at pagkakataon upang hindi muling mapalusutan sa ganitong ‘raket’ ng mga mangangalakal ang Rentas Internas.
Bunga nito, mas naging alerto laban sa pandaraya sa pagbabayad ng buwis sina Metro Manila BIR Regjonal Directors Dante Aninag (Makati City), Edgar Tolentino (South NCR) Gerry Dumayas (Caloocan City), Albin Galanza (East NCR), Bobby Mailig (Quezon City) at Renato Molina (City of Manila).