JUICO IDINEKLARANG PERSONA NON GRATA NG POC

Philip Ella Juico

INAPRUBAHAN ng Philippine Olympic Committee (POC) Executive Board ang rekomendasyon ng Ethics Committee nito na nagdedeklara kay athletics chief Dr. Philip Ella Juico bilang persona non grata, na resulta ng hidwaan ni Juico kay Olympic pole vaulter Ernest John ‘EJ’ Obiena.

“The POC approved the recommendation of the Ethics Committee declaring Juico as persona non grata,” pahayag ni Tolentino matapos ang POC Executive Board meeting sa East Ocean Seafood Restaurant sa Pasay City.

“We do not recognize him anymore as president of PATAFA [Philippine Athletics Track and Field Association] until the new election of its president.”

Gayunman, binigyang-diin ni Tolentino na kinikilala pa rin ng POC ang PATAFA bilang national association para sa sport sa kabila ng parusa kay Juico. Idinagdag pa niya na kinikilala rin ng POC ang lahat ng opisyal ng asosasyon.

Ang parusa ay nag-ugat sa resulta ng imbestigasyon ng Ethics Committee na hinarass ni Juico si Obiena nang magsagawa ito ng “malicious public accusations.”

Batay sa committee report, si Obiena, finalist sa Tokyo Olympics at Asian men’s record holder, “was accused and maligned publicly by Juico in media in November for allegedly falsifying his liquidation report on his Ukranian coach Vitaly Petrov’s salaries.”

Nakasaad din sa report na ang mga akusasyon kay Obiena ay nagpahiwatig ng pagnanakaw.

Pinamunuan ni rowing association president Patrick Gregorio ang Ethics Committee.

Labing-isa sa 15-member POC Executive Board ang sumang-ayon sa committee recommendation, na raratipikahan ng General Assembly sa pagpupulong nito sa Enero.

Ang rekomendasyon ay inaprubahan nina POC honorary president Ricky Vargas, first vice president Al Panlilo, second vice president Richard Gomez, treasurer Cynthia Carrion-Norton, auditor Joaquin Loyzaga at board members David Carter, Dr. Jose Raul Canlas at Pearl Managuelod, kasama sina Athletes’ Commission head Nikko Huelgas at Secretary General Edwin Gastanes.

Nag-abstain sina Charlie Ho ng netball at International Olympic Committee Representative to the Philippines Mikee Cojuangco-Jaworski.

Hindi bumoto si Tolentino dahil siya ang nag-preside sa miting sa pagliban ni chairman Steve Hontiveros.

Si Juico ay ikalawang NSA official na idineklarang persona non grata kasunod ni Go Teng Kok, na siya ring PATAFA president nang ipataw ng noo’y  POC chief Jose Cojuangco Jr. ang parusa noong 2011.

Ayon kay Tolentino, tiniyak ng POC na kakatawanin ng 26-anyos na si Obiena ang bansa sa iba’t ibang overseas competitions sa 2022, kabilang ang  31st Southeast Asian Games sa Hanoi sa Mayo at ang 19th Asian Games sa Huangzhou sa Setyembre.

“If PATAFA won’t endorse him, which I doubt they would, then we will,” wika ni Tolentino.