JULY INFLATION BUMILIS SA 6.4%

BUMILIS pa sa ika-5 sunod na buwan ang Inflation o ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo noong Hulyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang press conference, sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na naitala ang inflation sa 6.4% noong nakaraang buwan.

Mas mabilis ito sa 6.1% na naitala noong Hunyo at sa 3.7% noong Hulyo 2021.

Ang inflation noong nakaraang buwan ay isang bagong three-year high magmula nang maitala ang 6.9% noong Oktubre 2018.

Bumagsak din ito sa upper end ng forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 5.6% hanggang 6.4% para sa Hulyo.

Year-to-date, ang inflation ay nasa 4.7%, pasok sa ceiling na 4.5% hanggang 5.5% para sa buong taon.

“Ang dahilan ng mataas na antas ng inflation nitong Hulyo 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages. Ito ay may 6.9% inflation at 64% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa,” sabi ni Mapa.