JUNIOR NI BUCOR CHIEF FAELDON DAMAY SA RAID

Nicanor Faeldon jr

CAMP CRAME – NADAKIP ng awtoridad ang anak ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon na si Nicanor Faeldon, Jr., sa drug raid sa Naga City, Camarines Sur kahapon ng madaling araw.

Bukod sa 32-anyos na si Nicanor o mas kilala sa tawag na Jr. arestado rin ang pangunahing sisilbihan ng search warrant na si Russelle “Bubbles” Lanuzo kahapon ng madaling araw sa Barangay Mabolo.

Nanindigan naman si JR na hindi siya natatakot na kaharapin ang kaso at iginiit na wala siyang anumang dapat ipaliwanag dahil hindi siya sangkot sa illegal drug trade at handa rin aniya siyang magpasailalim sa drug test.

Sinabi naman ng live-in partner ni JR na si Zandra Mae Lanuzo, na natutulog sila nang dumating ang awtoridad na may dalang search warrant laban sa kaniyang ama na si Bubbles, da­ting empleyado ng Metro Naga Water District.

Bukod sa nakatatandang Lanuzo, kasama rin aniya silang magkarelasyon sa mga inaresto.

Nabatid na buwan ng Mayo lamang ngayong taon nang umuwi sa lungsod si JR kasama ang kaniyang live-in partner upang muling mag-aral.

Sa kasalukuyan, nag-aaral umano sa Ateneo de Naga University si JR na isang student assistant.

Samantala, nagsalita rin si BUCOR chief Faeldon at sinabing huwag munang husgahan ang kaniyang anak at sakali mang mag-positibo ito sa drug pushing, siya na mismo ang magdidisiplina  sa kanyang junior.

EUNICE C.